“Oo nga pala, hindi nga pala tayo..”
Naalala na lang kita bigla nang marinig ko ang kanta. Ewan ko ba, pero ito yata ‘yung kantang babagay sa nararamdaman ko.
Hindi kita gusto noong una kitang makita. Ni hindi manlang nagtagpo ang ating mga mata noong unang araw ng klase. Kaya sinong mag aakalang makikiliti mo ang puso ko? (Grr, napaka-korni mo naman selp pero bakit ba?!!) Naiilang pa ako sa tuwing makakasama ka namin sa pag-uwi. Sa isip ko, “bakit nandito ‘tong taong ‘to?”
Napakamaldito mo, konting bagay naiirita ka. Akala ko nga noon, bakla ka. Kaya napakalabong mahulog ako sa’yo! Ang hilig mong paikutin ‘yung mga mata mo kapag may hindi ka nagugustuhang marinig, tsaka sa mga walang kuwentang bagay. Bakit ba ako nakatitig sa’yo minsan? Ah, kasi iba ka sa lahat ng lalaking nakilala ko.
Ikaw ‘yung lalaking napaka-prangka. Kumbaga, walang filter iyang bunganga mo na ikinatuwa ko rin bigla dahil napaka-totoo mo. Ikaw ‘yung taong hindi ko maintindihan dahil palagi na lang naka-poker face o emotionless ang hitsura. Pero, hindi ko alam kung paano ka napapangiti ng mga biro ko.
Hindi ko na namamalayan ang lumilipas na mga araw na nakakasama kita. Mas minahal ko ang oras ng uwian dahil iyon na naman ang oras na makakasama kita. Mapapangiti at mapapahalakhak sa sinasabi ko-- na hindi ko maintindihan kung anong nakakatawa. Ilang beses mo na rin akong pinagtripan. Noon ay kinaiinisan ko pero kalaunan ay hiniling ko na palagi mong gawin para magkaroon ako ng pagkakataong makaganti at inisin ka. Eh kasi, nakakatuwa ang reaksyon mo kapag naiinis at walang ganti sa akin. Talagang hindi ko maisip kung paano tayo naging “close”-- o ako lang nag iisip nang gano’n? :’D
Pero, isang araw hindi ka sumabay sa amin umuwi. Tinanong kita kung bakit ang sabi mo ay..
“Pinuntahan ko kasi gf ko. Ang tagal na naming hindi nagkita..” blablabla.
Ayaw ko nang marinig ‘yung mga sumunod mong sinabi pero naramdaman ko ‘yung pagkasabik mong makita siya. Sa ilang segundo, natahimik ang aking kalooban pero sinubukan kong panatiliin ang ngiti sa ang labi.
Mayroon nang nagmamay-ari sa’yo. Hanggang classmate na lang tayo dahil, hindi na puwede. Hindi naman ako umaasang magkaroon nang “tayo.” Magiging kuntento na ako sa mga oras na napapatawa kita sa mga sinasabi ko. Masaya na ako doon.
Okay na ako na kaibigan kita at nagpapasalamat na mayroong nagpasaya ng unang taon ko sa kolehiyo.