Gusto kong bumalik sa kung saan kita, at mo ako iniwan. Gusto kong bumalik sa daan kung saan tayo huling magkasama bago nagpasiyang maghiwalay ng tatahaking landas kalaunan. Mahaba na ang nalakad ko pero hindi naman ako masaya. Hindi ko pala gustong tahakin ang isang estrangherong daan nang mag-isa.
Gusto kong bumalik sa kahapon kung saan magkasama tayong naglalakad sa gitna ng kawalan at hinihintay lang na paghiwalayin ng kalawakan. Sana pala hindi tayo umayon sa kung ano ang nais ng mga bituin, sana naglakad na lang tayo nang magkasama kahit pa hindi ito ang ninanais nila para sa 'tin dahil sa tabi mo, ang aking kasiyahan ay hindi mapantayan ng kasiyahang dulot lang ng magagandang tanawin. Sana pala nanatili na lang tayo sa kawalan at hindi hinayaan na kalawakan ang magdikta ng dapat nating gawin.
Subalit, hindi ko gustong maging makasarili. Hindi ko gustong manatili ka lang sa kawalan kasama ko gayong batid kong maraming naghihintay sa 'yo sa daang nakatakda mong tahakin. Hindi ko nais na ipagkait sa 'yo ang magandang bukas na hindi mo makakamit kung mananatili ka sa tabi ko. Kaya kahit hindi ko ginusto ang paglisan mo, hinayaan kita dahil iyon ang kailangan. Ninais kong sundan ka, kahit dito lang ako sa likod mo at hindi ka na sasabayan, 'yon nga lang ay hindi pala ako puwede sa mundo mo. Kaya nang tumalikod ka sa 'kin at nagsimula sa paghakbang, doon pa lang alam ko nang mabilis mo rin akong makalilimutan.
Mahaba na ang nalakad ko pero ni isang beses hindi ka nawaglit sa aking isipan. Umaasa pa rin ako na ang dulo ng dalawang daan na ating tinahak ay muling magiging isa at magagawa nating muli na lumakad nang sabay habang magkalingkis ang mga kamay. Sana lang ay maabutan kita, o maabutan mo ako. Sana lang ay pagdating natin sa dulo, p'wede pa tayo. Sana ay wala kang ibang kasama na tahakin ang daan mo, at ganoon din ako. Sana ikaw at ako, muling magkasama sa iisang daan pero ngayon hindi na lang sa gitna ng kawalan, kun'di tungo sa walang hanggan.
—lavuri, ikaw at ako sa iisang daan











