Hindi “lang” ang kaibigan.
Hindi ka niya naisulat. Hindi ka niya kailanman isusulat. “Hindi ito tungkol sa iyo”, iyan ang wika niya.
Kaya hayaan mong ako, ako ang magsusulat tungkol sa iyo. At kahit pa wala ako sa lugar na magsulat ukol sa iyo at para sa iyo, isusulat kita, kahit pa hindi inari ng mundong isulat pa ang mga bagay-bagay na namagitan sa ating dalawa.
Dahil ang totoo, walang namagitan sa ating dalawa. Wala noon. Wala ngayon. Hindi ko hahawakan ang kamay mo. Hindi mo rin hahawakan ang kamay ko dahil alam naman nating dalawang basa ito. At hindi mo rin naman kailangang hawakan ang kamay ko dahil matatawa lang talaga tayo.
Itinuro ng mundo na magsulat tuwing umiibig, tuwing masakit, tuwing masarap, tuwing may mga ungol at tuwing nagdarampi ang mga labi’t damdamin. Kung gayo’y bakit kita isusulat kung hindi naman natin dinanas sa isa’t isa ang mga ito?
Isusulat kita dahil mahal kita – hindi pag-ibig na tulad ng nadama mo para sa kanya, o nang nadama ko noon para sa taong ngayo’y ni hindi ko na kilala. Isang pag-ibig na hango sa pagkakaibigang pinanday ng panahon at pagkakataon. Hindi humihingi ng kapalit, ng kilig o ng anu’t-ano pa. Ikaw at ako. Patunay tayong maaring umibig ang babae’t lalaki ng wagas ngunit hindi romantiko, na parang isang kapatid, kapanalig, kakampi at kasama kung nanganganib.
Tinuruan mo ako ng kimika at kasama kitang pumayat, maging noong tumaba. Itinanong mo sa akin ang mga bagay na akala ko’y hindi ko kailanman sasagutin kung ibang tao ang nagtanong sa akin. Hindi ko alam kung may naituro ako sa iyo, isa ka ng henyo at sa tingin ko nga’y ‘di mo na kailangan ang tulong ko. Ang pangako ko lang, nandito lang ako ilan mang lalaki ang kumatok at umalis sa pintuan ng buhay ko, gayunding ilan mang babae ang patuluyin mo sa init ng yakap mo.
Hindi natin maipapangakong uuwi tayo sa isa’t isa – dahil pareho tayong peregrinong sumusunod sa ihip ng hangin kung saan patungo ang ating mga pangarap. Masasabi kong malayo na rin ang narating mo, mula sa sulok kung saan unang nagpumiyos ang ating mga mithiin sa buhay, kung saan inakala nating lahat ay kayang mapagtagumpayan ng mga pusong walang muwang basta’t umiibig, kung saan ang bawat halakhak natin ay sapat na upang mapawi ang pagod na hatid ng eskwela.
Hindi tayo nagmahalan kung ang pag-ibig ay tungkol sa init at tamis at mapupusok na mga salita. Ngunit ng matapos ang ritmo ng pagsayaw natin sa kanila, ikaw at ako ang siyang nakinig sa mga ‘bakit’, ‘sayang’ at ‘sana’ ng mga natapos na kabanata – ng mga taong nawala, nawawala at sa mga susunod pang taong ating mawawala. Mahaba pa ang ating mga araw at ilang taon pa ang dadaan. Ilang pahina pa ang igugugol ko sa pag-sulat at ikaw sa pagtuklas at pag-gawa sa siyensya na iyong minahal noon pa man. Hindi tayo nagmahalan kung ganon.
At ito nga’t sinubok kong isulat ka gayunpaman. Susumahin ko ang bawat anggulo ng mukha at pagkatao mo gamit ang mga salita, sapagkat ang mga kamay ko’y pagal at palpak sa pagkulay at guhit. Susumahin ko ang mga mata mong nakuha mo sa iyong ina, mga matang ibinaling mo sa lahat ng iyong mga minahal at pinakawalan. Susumahin ko ang bawat tanong na ibinaling mo sa akin kasama ng mga sagot na alam nating hindi na kailan man dadating pa.
Paumanhin, kung hindi kita maisusulat. Sapagkat itinuro ng mundo na magsulat tuwing umiibig, tuwing masakit, tuwing masarap, tuwing may mga ungol at tuwing nagdarampi ang mga labi’t damdamin.Hindi naman natin dinanas sa isa’t isa ang mga ito. Dinanas natin sa iba. Dinanas natin at ibinahagi sa isa’t-isa. Daranasin nating muli at ibabahagi sa isa’t isa. Salamat at paumanhin.
Hindi ka niya naisulat. Hindi ka niya kailanman isusulat. “Hindi ito tungkol sa iyo”, iyan ang wika niya.
-Para sa isa sa mga pinakamatalik kong kaibigang lalaki. Papayat na tayo. HAHAHA








