Iyak para sa Sarili
Iniiyakan ko yung sarili kong sumuko
Sabay ng pagpapakawala ko sayo ay sabay ng pagbitaw ko sa sarili kong minahal ko
Hindi na ko nagsusulat ng mga tulang bumabaon sa susunod na pahina na may bakas pa ng mga patak ng luha
Di na ko natutuwa gumawa ng mga istoryang tungkol sa pagmamahal dahil wala naman nang minamahal
Pero teka, wag mong isipin para sa iyo ang tulang 'to dahil di na ikaw ang iniiyakan ko
Iniiyakan ko yung sarili kong di na natutong makuntento
Minamadali ko na ang kahit ano sa takot na baka mawala rin ang mga pagkakataong pursigido pa ako
Madali na kasi akong mapagod at, di tulad noon, mabilis na rin ako magsawa gumawa ng mga bagay na di ko naman alam para san pa napupunta
Masyado na kasing marami ang mga maling desisyong nagawa ko noong bumagsak ang lupa sa impyerno
Iniiyakan ko yung sarili kong napuno sa takot
Paulit-ulit na sa utak ko ang pagiging di sapat di lamang sa pagmamahal kundi pati na sa mga larangan na tinatahak ko
Maski sarili ko pinagtataguan ko't baka mahusgahan niya rin ang naging akong nagtatago sa likod ng pagkakakilanlan ng ibang tao
Pinilit kong magbago dahil ayokong di maging progresibo sa kabila ng kaisipang hanggang dito nalang ang kaya ko
Iniiyakan ko yung sarili kong di maamin ang saya na naramdaman sa pag-iisa.
.
.
.
.
.
.
Napagtanto kong hindi ko pala kaya, di ko pa rin pala kayang magtapos ng tula sa kabila ng mga buwan ng pag-iisa.
(Kasalanan talaga 'to ni Sean. Nagyaya pa kasing gumawa ng tula para sa zines yan tuloy nag-emote ate mo.)










