Paano nga ba nagiging “One Sided” lang kung minsan ang love?
One Sided sa paraang ikaw lang ang may gusto. Ikaw lang ang may nararamdaman. Ikaw lang ang nagpapahalaga. Pero siya? Ayun. Iba pala ang gusto niya. Sa ibang tao siya may nararamdaman. ‘Yung ibang tao ang kanyang pinahahalagahan. Masakit mang isipin at sabihin. Pero oo. Hindi ikaw.
Bakit nga ba ganon? Gusto mo pero 'di ka gusto. Mahal mo pero iba ang mahal niya. Nasasaktan at nagseselos ka ng wala kang karapatan.
One Sided. Nandiyan ka lang sa isang tabi, sa isang sulok, umaasa na sana isang araw mapansin ka rin niya. Pero malabo 'di ba? Kaya mas pinipili mong panoorin na lang siya na may nagugustuhang iba habang ikaw bugbog na sa sakit na iyong nadarama. Mas pipiliin nating tayo ang masaktan makita lang nating siyang masaya. Unfair? Oo. At 'yun ang totoo.
Minsan kaya ginugusto na lang nating maging One Sided sa love ay dahil (siguro) sa takot. Takot na baka kapag ipinaalam natin sa kanya ay ma-reject lang tayo. Takot na mag-iba ang lahat sa inyo. At takot sa panghuhusga ng ibang tao. Sobrang sakit na nga ng sitwasyon na meron ka, palalalain mo pa ba?
Pero kung minsan din naman talaga mas okay na ang ganitong status. Sino nga ba namang hindi sasaya kung nakikita mong 'yung taong mahal mo ay masaya? Kahit pa 'yun ay sa piling ng iba. Ganon naman talaga eh. Love is not selfish. You are more than willing to sacrifice everything just for the happiness of the one you love. Kahit ang kapalit pa non ay ang masaktan ka.
Maaaring sa ngayon ganito ang status na meron ka. Ako, naniniwala ako na ngayon lang 'yan. Darating at darating ang panahon na kapag natuto ka ng buksan ang puso mo sa iba, makikita mo din 'yung taong sa mga oras na 'yun, mahal mo at mahal ka na. Siguro kailangan mo lang talagang pagdaanan sa ngayon ang One Sided status. Para may malaman at matutunan ka. Kumbaga hinahanda ka lang. Lalo na ni Lord. Para sa oras na ibigay niya na sa atin yung taong nakalaan talaga sa atin ay handa at buong-buo na tayo. At siguradong sa mga oras na 'yon, napakasarap sa pakiramdam. Nasaktan, nadapa at nagkamali ka man sa mga una mong subok, masasabi mong sa huli, worth it ang lahat.
Love is selfless. Lagi nating pipiliin 'yung tama para sa mahal natin. Mga bagay na makapagpapasaya sa kanila. Okay na 'yun. Sapat na 'yun para sa atin. Lagi nating uunahin siya bago ang sarili natin.
Kung sa mga pagkakataong nasasaktan tayo ng hindi sinasadya, okay lang 'yan. Huwag kang mag-iisip o makakaramdam ng anumang pagtatampo o galit sa kanya. Aminin na natin. Tayo naman ang pumili sa estadong meron tayo. Hindi nila alam at wala silang kasalanan 'don. Ni minsan ba naisip mo ring may nasasaktan ka ng iba ng hindi mo nalalaman? Naisip mo rin bang may isang taong pinili ang One Side love status ng dahil sa'yo? Wala ka ring kamalay-malay. Kasi pinili din ng taong 'yun kung saan ka magiging masaya. Kagaya mo, masaya at nasasaktan din siya dahil alam niyang hindi kayo pwedeng dalawa. Hindi lang sa'yo unfair ang love.
“Balang araw, mapapagod din ako. Puso ko na rin ang mismong susuko. Mapapagod din ako kakahintay sa'yo kahit wala naman talaga akong hinihintay. Mapapagod umiyak sa tuwing nakikita kang masaya sa kanya. Mapapagod sa tuwing naririnig kong sinasambit mo ang pangalan niya. Mapapagod na paulit-ulit binabasa ang old conversations natin. Mapapagod tignan araw-araw ang mga pictures mo. Mapapagod din umasa na balang araw ay mamahalin mo din ako. Mapapagod din ako. Dadating ang araw na magkikita tayo na wala na akong nararamdaman. Dadating din ang araw na mare-realize mo kung gaano ako kahalaga sa'yo. Hindi dito natatapos ang lahat. Nagpapasalamat pa din ako kasi binigyan mo ako ng senyales na hindi pa pala ikaw para sa'kin. Kung ano 'yung saya na dinulot mo sa'kin, sana may dadating pa na taong mas dodoble pa sa saya na dinulot mo.”
Mga kataga at salitang nagmula mismo kay Zj, kaibigan ko, na nasa ganitong estado. Sa huli, aabot ka talaga sa ganoong punto.
Pagod na sa kabila ng lahat ng sakripisyo at pagtitiis ay sa huli alam mong wala ng patutunguhan. Unti-unti ka ng bibitaw dahil sa umpisa pa lamang ay wala ka naman talagang kinakapitan. Wala kang pinanghahawakan. Walang masama sa pagbitaw mo. Ang mahalaga ay nagawa mong ipakita at ipadama sa kanya kung gaano siya kahalaga sa buhay mo. Hindi man ito nasuklian sa paraang gusto mo.
Sa oras ng pagbitaw mo dahil sa matinding pagod, bumitaw at magpahinga ka lang. Masusugatan ka. Oo. At malamang malalim 'yun. Ipahinga mo lang ang puso mo. Gaya ng totoong sugat, huwag mong tapalan ng kahit anong benda o band-aid. Hayaan mong makahinga. Makahinga ang puso mo. Kasi kagaya ng sugat, kapag tinapalan mo agad, makukulob ito. Makukulob ang puso mo sa nakaraan at lalo itong magsusugat. Lalo itong hindi maghihilom.
Magpahinga ka lang. Gamutin mo ang sarili mo. At pagkatapos, bumangon ka ulit. Buksan mong muli ang puso mo. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa nakaraan dahil lang sa nasaktan ka.
Oo. Nandiyan na ang takot sa puso at isip mo. Takot na posibleng maulit na naman ang lahat. Na baka ikaw lang ulit ang nagmamahal. Pero huwag mong gamitin ang takot mo para isarado ang puso mo sa pagkakataong magmamahal ka ulit ng bago.
Yung sakit, nandiyan na 'yan. Parte na 'yan ng love. Sabi nga, hindi mo malalamang totoong nagmamahal ka kung hindi ka nasasaktan. At 'yang sakit na 'yan? Wala 'yan. Walang-wala 'yan kumpara sa sayang ibinibigay sa'yo 'pag nagmamahal ka. One Sided man yan o mutual, sa huli mangingibabaw pa rin 'yung love. Love na kahit sino pa sa atin ay walang makakapagpaliwanag.