Nang makilala kita, naniwala ako sa Tadhana. Naaalala ko nga kung paano kita unang nakita noong estudyante ka pa lang at alam kong hindi ka maniniwala sa kwentong ito pero eto yung katotohanan. Malay ko bang ganito ang magiging tema nating dalawa: Asymptotic lines.
Magiging magkalapit, pero hindi magiging isa.
Nang nalaman ko na gusto mo ako, matagal na kitang gusto noon. Sa katotohanan nga niyan ay kaya matagal ko na ring sinusundan ang blog mo. At alam mo na ang mga susunod na mangyayari sa kwentong ito.
Dalawang salitang tagalog na hindi ko sinasabi kahit kanino sapagkat para sa akin, kapag sinabi mo ang isang bagay ng tagalog ay napaka-sincere nito. Ni nga sa magulang ko ay di ko sinabi ito.
Kapag naaalala ko ang mga hanggang madaling araw na paguusap natin, ang mga sandaling matutulog ka sa balikat ko sa bus, mga tinginan natin na kahit di nako magsalita ay ayos na, mahal kita.
Kapag naaalala ko yung gabing hinawakan mo ang kamay ko habang natutulog tayo, ang mga sandaling yakap kita, ang mga simpleng asaran at pikunan, ang amoy ng jacket ko nang sinuot mo, mahal kita.
Pero di mo naman ako mahal. Yun yung katotohanan diba? Malapit lang siguro doon ang nadarama mo, ika nga, hindi nagtugma ang ating nararamdaman. Asymptotic lines.
Ngayon lang ako nakadama ng ganito ulit makalipas ang tatlong taon. Ikaw yung taong alam kong okay lang na paghirapan ko, kahit ba puntahan kita sa trabaho mo basta sabay tayo kumain o kahit anong arte mo ay naiintindihan at natitiis ko. Kasi nga, napamahal nako sayo.
Naisip ko na nga yung buhay na kasama ka. Yung mga lugar na pupuntahan natin, mga pagkaing lulutuin natin, mga kantang kakantahin natin kapag naturuan na kitang kumanta, mga simbahan na dadasalan natin kahit alam mong hindi ako palasimba, mga librong babasahin natin ng sabay at mga espesyal na araw na pagsasaluhan natin. Naisama na kita, pero nawala yung lahat.
Aaminin ko na kapag nasa bundok, at nakikita kong ambilis mo ay binibilisan ko din dahil gusto kong makahabol sayo. Gusto kong makalapit sayo, gusto kong nasa tabi mo sa kahit anong pagsubok.
Pero tulad nga ng mga linya, magiging malapit lang talaga tayo at hindi magdidikit. Minsan, nadadama kong wala nang ibang may karapatang magmahal sa akin, kundi ikaw lang.
Ano bang kailangan kong gawin para magbago ang isip mo? Para maging handa ka na? Dahil habang tumatagal ay nawawalan nako ng pakiramdam. Na parang ang puso ko'y baka na unti unting kakainin ng kalawang ito. At ngayon nga't wala nakong maramdaman. Bukod para sayo wala na.
Kapag kasama kita, para akong batang gustong umiyak ng malakas.dahil ang nagiisang bagay sa buhay na gusto ko, hindi naman pwedeng maging akin. Kahit pa anong paglabag ko ng batas, kahit gawin ko pa ang imposible dahil ikaw na mismo ang nagsabi...... wala na.
Kapag kasama kita, para mokong sinasaksak ng patalim sa sakit, lalo na't gusto mo akong maging kaibigan. Sa bawat ngiti mo, ay naluluha ako. Sa bawat tingin mo, nasasaktan ako. Ngayon lang ako nakadama ng ganitong sakit. Parang gusto ko na lang mamatay.
Ayaw kitang mawala sa akin at ayaw mo din pero hindi ko alam kung hanggang kailan ako makakatiiis sa sakit na ganito. Isang buwan, isang taon, hindi ko malaman dahil sa pagkakaalam ko, kapag nagmahal ako, panghabambuhay na. Hindi na mabubura magpakailanman.
Pero salamat, dahil ngayon ay nakakadama na ako. Na ganito pala maging tao ulit.Ā
Ngayon heto ako, nasasaktan at lumuluha. Pero balang araw, lilipas din ito.
Pero ngayon, mahal padin kita. Muntik na kitang minahal pala.