PAGBITAW
Alas tres ng hapon; kung saan nagsimula ang lahat
Matagal ko nang sinabi sa sariling mahal ko ang aking pag-iisa. Mahal ko ang personal na espasyong inilalaan ko para sa sarili, upang makapag muni-muni, magsulat at magpakalunod sa kung ano mang musika ang trip kong pakinggan sa maghapon. Isinaisip nang madali lang bitiwan ang mga bagay na nagdadagdag ng kabiguan at kalungkutan sa sarili dahil pansamantalang yugto lang naman ito sa aking buhay at hindi naman ito makakatulong sa pag-unlad ng estado ng aking buhay.
Nagkamali ako, mula noong ako’y bumaba ng kapatagan at lumisan sa kabundukan, nahirapan na ang sariling bumitaw sa mga bagay na nagdadagdag ng bigat sa aking paglalakbay, nalimutan nang bumitaw sa maluwang na yakap ng taong hindi naman ikaw ang minamahal, nalimutan ng mahalin at unahin ang sarili dahil inuuna ang mararamdaman ng iba kaysa sa pansariling interes.
Bumalik tayo sa kasalukuyan, narito ako sa dating tambayan apat na taon na ang nakalipas, kung saan pinapatay ang oras sa pamamagitan ng pagsusulat ng kung anu-anong bagay. Pilit kong sinasariwa ang kahapong nagdaan dahil pakiramdam ko’y matagal nang nalimot kung papaano mahalin ang sarili na hindi kumakapit sa pag-ibig ng isang taong hindi sigurado saakin at hindi naman alam kung nariyan parin kinaumagahan.
Siguro nga’y natunaw na ng init sa ang yelong bumabalot pusong binuo mula sa luray na damdamin ng kahapong nagdaan. Ngunit nagkamali ng taong piniling mahalin, nagkamali ng taong tutunaw sa yelong nakabalot sa paligid ng pusong naghihintay ng pag-ibig. Kaya narito tayo sa yugto kung saan pinupulot natin ang mga nahulog na piraso ng yelo na dati’y nakabalot sa ating malambot na puso, narito tayo para buuin ang sariling tinalikuran dahil sa pangakong habangbuhay na sasaya sa kanyang mga bisig. Narito tayong muli para magsimula ng panibago upang itama ang mga mali at tumalikod sa lugar kung san tayo nadapa mangangako sa sariling hinding hindi na na muling lilingon pa.












