Opisyal na Pahayag ng UPIS Media Center sa Ika-40 Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution
Apat na dekada matapos ang People Power Revolution noong 1986, hindi pa rin tapos ang martsa ng mga Pilipino sa pakikipaglaban para sa mga karapatang-pantao.
Napatalsik man ng sambayanan ang diktador noon pagkatapos ng matapang na pagkakaisa at pagpoprotesta, lantad pa rin ang inhustisya sa bawat sulok ng ating bansa hanggang ngayon. Makikita ito mula sa mga kinurakot at palpak na pampublikong imprastraktura na mismong nararanasan ng UPIS, hanggang sa kawalan ng pananagutan ng pamahalaan. Kabilang dito ang hindi pa rin tuluyang pagbabalik ng bilyon-bilyong ninakaw na yaman ng Rehimeng Marcos.
Dagdag pa, tatlong magkakasunod na taon nang minamaliit at itinatanggi ang halaga ng anibersaryo ng EDSA Revolution, sa pamamagitan ng pagtrato dito bilang isang “Special Working Holiday” lamang ng administrasyong Marcos Jr.
Sa kabila ng mga ito, nagsisilbing bukal ng inspirasyon ang mga protestang-bayan, tulad ng nakaraang Trillion Peso March, para sa mga susunod na henerasyon na kalampagin ang bulok na sistema.
Sa ngalan ng pag-alala sa mga sakripisyo ng ating mga bayani noon, ating isabuhay ang diwa ng EDSA People Power Revolution, tulad ng sinisimbolo ng Trillion Peso March at ng iba pang mga kilos-protesta. Ang masidhing pagkakaisa ng sambayanan para ipaglaban ang katarungan at kapayapaan ay lubos na kinakailangan sa kasalukuyan. Bilang mga estudyante, huwag tayong manahimik; sa halip ay patuloy nating pag-usapan ang mga kontemporanyong isyung panlipunan sa loob maski sa labas ng ating mga klasrum. Pangatawanan natin ang motto ng unibersidad na “Honor and Excellence, in the Service of the Nation,” at hayaang magsilbing kasangkapan ang edukasyon sa pagkamulat ng sarili at ng kapwa.
Hindi lang apat na araw ng People Power Revolution ang tumapos sa Diktaduryang Marcos. Bunga ito ng maraming taon ng pakikibaka laban sa pang-aabuso sa ating demokrasya at karapatang pantao. Sama-sama nating ituloy ang martsa—manindigan para sa ganap na katarungan at panagutin ang mga dapat na managot.