Sa kwadradong kwartong ito,
Hindi lamang katahimikan ang pumupuno,
Kundi pati ang sigaw ng puso,
Hindi mo naririnig, pero nandidito.
Sa kwadradong kwartong ito,
O, bakit ngayon ko lang napagtanto?
Gusto ko palang palagi na lamang ganito.
Sa kwadradong kwartong ito,
Kinulong ang ligayang kay lago.
Tila ba puno ang sahig ng mga bulaklak na kay bango.
Ako’y nakahiga, at tila ba ika’y yakap ko.
Sa kwadradong kwartong ito,
Ang oras ay tila ba nakahinto.
Dulot nito’y managinip ako,
Kasama ka sa bawat minuto.
Sa kwadradong kwartong ito,
Humiling ako na sana’y huwag akong lisanin mo.
Ngunit ang oras pala ay hindi talaga huminto,
Kinailangan mo nang lumabas ng pinto.
Sa kwadradong kwartong ito,
Tanging ikaw lang ang nasa isip ko.