Ilang beses ko na ding sinubukang talikuran ang munting demonyo sa aking katawan. Pilit kong inilalayo ang sarili ko sa isang landas na aking nakasanayan noon pa man. Alam kong mali pero patuloy ko pa din ginagawa, nakasanayan ang maliit na kamalian na unti unting lumalaki. Tila naka-kadena na sa akin ang mga bagay-bagay na unti uting dumudurog sa tunay kong pagkatao, ang mga bagay na dapat noon pa ma’y di ko na dapat sinubukang gawin pero sadyang matigas ang aking ulo. Hindi na mabura ang mga tinta ng nakaraan, ang sugat ng nagdaan, at mga maskarang patuloy na nakasuot sa aking mukha habang nakaharap kasalukyan. Hindi ko din alam saan pa ako ako huhugot ng lakas upang linis ang mga dusing sa aking mukha dala ng desperadong pag-uugali, pagpapanggap at pagtatago mula sa dilim ng kalungkutan. Natatakot din siguro ako harapin ang katotohanan, ang di nakasanayang kamunduhan, ang liwanag na aking tinakbuhan. Maaring naliligaw na din ako sa landas na pinili kong tahakin, hindi pa mang-ganap na malakas ay sinuong pa din ang lalim ng pagkakataon, sinantabi ang maaring maging patalim na may pagkakataong sumaksak sa akin sa di inaasang panahon, ang mga tulis ng talahib at hagupit ng kapalaran.
Napapagod na ako, gusto ko nang sumuko pero tila wala ito sa pagpipilian. Isa na ata itong sumpa na dala ng mapangsariling kagustuhan, desisyong hindi pinag-isipan. Wala na ata ako magagawa kungdi pagmasdan ang unti unting paglamon sa aking ng bangungot ng iniwang kong pagkatao. Walang lugar na mapagtataguan, walang taong matatakbuhan. Ito na ata ang aking katapusan.