MANIPESTO NG MGA PEMINISTANG PROLETARYO Ikalawang Bahagi - ILANG MAHAHALAGANG GABAY TUNGO SA PAKIKIBAKA NG PEMINISTANG PROLETARYO: 1. Kung ikaw ay isang babae, o membro ng LGBT (Lesbiyana, bakla, bisexual, transgender), mabuting aralin at kilalanin ang sariling kalagayan sa lipunan. Imulat ang sarili at ang iba sa kinakaharap na pakikibaka ng masang kababaihan at LGBT. Kung ikaw ay isang lalaki, kilalanin ang angking taglay na pang-uring pribilehiyo sa pyudal at patriyarkal na lipunan. Gayun rin ang iba pang maaaring tinataglay na pribilehiyo gaya ng antas sa relasyon ng produksyon, atbp. 2. Himahimayin ang bawat istruktura ng lipunan gamit ang dialektiko-materyalismo at istoriko-materyalismo. Suriin ang bawat relasyon at ugnayan ng mga bagay at ang mga kontradiksyon nito (ang mga sistematikong pang-aapi ay merong interseksyunal na ugnayan sa bawat isa). Ilapat ang pagsusuri sa mga kalagayan, relasyon, at maging mga kagawian. Kilalanin ang maagap na pangangailangang pagbabagong-hubog ng mga panlipunang kalagayan, istruktura, at institusyon. Matagalan ang pakikibaka, ngunit maagap ang pangangailangan ng minoryang kababaihan at kalakhang masang api. Kilatising mabuti ang bawat kinikilos, winiwika, at internal na persepsyon sa mga bagay pagdating sa pakikisalamuha at pakikitungo sa masang kababaihan. Kalakip nito ay ang kritikal na pagtanaw sa mga bagay sa loob ng pakikipagrelasyon o pakikitungo sa masang kababaihan at LGBT. ('Wag tignan ang kababaihan bilang palamuti, sekswal na kasangkapan, o indikasyon ng kahinaan. Kilalanin at respetuhin rin ang bawat pansiriling desisyon at pagyakap ng kababaihan sa malaya nitong kasarinlan at sekswalidad.) 3. 'Wag pangunahan ang masang kababaihan o kahit na sinong pambansang minorya na tumatalakay sa kanilang mga kalagayan. Lalo na kung ito ay sektoral na usapin at wala ka sa lugar upang mamahagi ng opinyon. Bilang alyado ng masang api, ipagbunyi mo ang pakikibaka ng bawat sektor na pinagbuklod sa ilalim ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. 4. Aralin at alamin ang mga isyu at kalagayan ng masang kababaihan at pambansang minorya. Maging masinop sa pakikinig at isalin ang kanilang mga karanasan bilang ambag sa teorya at praktika sa pakikibaka. 5. Tungkulin ng kadre ang magpaliwanag, magmulat, magpasensiya, at mag organisa. Ngunit hindi ito obligasyon ng kababaihan at LGBT na palaging mag pasensiya sa mga nagpapahirap sa kanila. Hindi rin obligasyon ng kababaihan na palaging maging gabay o magmulat sa kanilang mga karanasan, upang ipilit na hilingin o igiit ito sakanila ng mga nais lamang makipagtalo o debate. Hindi sila instruktor o partisano sa lahat ng oras. Matutong respetuhin ang kanilang mga buhay at katahimikan, at magkusang mag-aral kung ikaw ay sinsero. Dahil ang masang kababaihan ay dumaranas na ng higit na pagpapahirap at pang-iinsulto sa ilalim ng patriyarkal at kapitalistang naratibo, matuturing na rebolusyonaryong akto ang pagkilala at respeto sa katahimikan ng buhay ng masang kababaihan, malaya sa anumang panghihimasok o panggugulo. Mahalagang ambag rin ang hindi mo pakikidagdag sa kalbaryo ng mga pambansang minorya. 'Wag maging pabigat pa sa napakahirap nang pakikibaka ng masang kababaihan at LGBT. 6. Labanan at kontrahin ang liberalismo sa lahat ng antas at institusyon ng lipunan. Wasakin ang ilusyon ng pagkakapantay-pantay ng mga uri, na ginagamit na sloganeering ng Burges liberal na Estado. Unawaing upang umabot sa tunay na paglaya at pagkakapantay-pantay, mahalagang kilalanin at maunawaan muna natin ang 'di pagkakapantay-pantay at tunggalian ng mga uri sa lipunan ng ating panahon.












