Literatura ng Uring Anakpawis
Ang pagmulat sa katotohanan
Sa paglalayon kong makapag bigay ng isang konkretong sitwasyon na magpapakita ng nakapanlulumong kalagayan ng mga manggagawang kabilang sa uring anakpawis ay tila umayon sa akin ang pagkakataon at sa hindi ko inaasahang pangyayari ay nakalinang ako ng mas malalim na kaalaman sa totoong kalagayan ng mga taong kabilang sa uring anakpawis.
Nang maitatag ang Gawad ka Amado, isang patimpalak pampanitikang naggagawad ng parangal sa mga obra ng uring anakpawis, maging tula, sanaysay o kwento, naging mabisang armas ng mga manunulat na kabilang sa uring anakpawis o 'di kaya' y mga taong nakikiisa sa uring paggawa ang pagsusulat upang tumuligsa sa mga mapagsamantalang naghaharing-uri na sumalamin at magmulat sa totoong kalagayan ng mga taong kabilang sa uring anakpawis. Ang mga obrang ito ang siyang naging daan upang magkaroon ng boses ang nakararaming dayukdok sa masa na nakararanas ng inhustisya at pagsasamantala ng naghaharing-uri.
Ayon kay Mike Gold, ang nalilikhang panitikan ng mga manunulat na kabilang sa uring anakpawis ay nagsilbing mapagpalayang testamento ng mga hinaing at mithiin at pagkamulat ng uring anakpawis na nagsilbing minahan ng brilyanteng katotohanan. Tunay ngang ang bawat indibidwal, kabilang man sa uring anakpawis ay may kakayahang magsulat at tila nagsilbing instrumento nila ang mga obrang naglalarawan ng pang-aapi at pang aabuso sa mga maliliit na tao gayundin ang mga kasibaan ng mga kapitalistang nagpapakabundat sa pawis at dugo ng mga manggagawa. Ang mga makapangyarihan, maimpluwensiya at mapribilehiyong tao na ginagawang pamunas ang dignidad ng mga uring anakpawis para sa pansarili nilang pangangailangan.
Sa talakayang ito napagtanto ko ang kalunos lunos na sinapit ng mga uring anakpawis sa kamay ng mga mapanlinalang at mapangabusong naghaharing-uri. Sa aking panonood ng ibat-ibang dokumentaryo patungkol sa sinapit ng mga magsasaka sa kamay ng mga kapitalistang walang ibang hinangad kundi ang gawing alipin ang mga magsasaka, nalaman ko ang kwento sa likod ng kagimbal gimbal na pangyayari sa Hacienda Luisita at Mendiola Massacre. Nagkaroon ng malaking epekto sa aking pananaw ang mga nabasa at napanood ko tungkol sa pangyayaring ito. Sa kung paanong namanipula ng naghaharing-uri ang mga magsasakang halos tanggalan nila ng kalayaang magsalita, sa kung paanong pinagtakpan nila ang katotohanan sa likod ng mga ika nga'y magaganda nilang nagawa. Sa kung paanong pinaikot nila ang kaisipan ng mga taong inakalang sila ang mga tunay na bayani sa ating lipunan, ngunit ang totoo sila ang mga naghaharing uri na nagkukubli sa isang maskot at maskara ng kabutihan na ang tanging layunin lamang ay para manatili silang nasa itaas habang ipinagngungudnguran nila ang dignidad ng mga manggagawa.
Nakaramdam ako ng lungkot at galit sa mga nalaman ko, talagang madaya ang mundo. Napakasakit isipin na marami sa atin ang hindi mulat sa katotohanan sa ating lipunan ngunit mas masakit isipin na marami sa atin ang mulat ngunit patuloy na nagbubulag bulagan. Tama si Rogelio Ordonez, hindi dapat tayo matakot na gamitin ang ating kapangyarihan. Hindi dapat tayo makuntento sa karampot na sweldo at pipitsuging serbisyo at produktong iniaalok sa atin ng mga elitista kapalit ng ating pagod. Nararapat lamang na mamulat tayo sa katotohanang madaya ang mundo, kaya't nararapat lamang na tayo mismo ang kumilos upang ayusin ang nabubulok na sistemang nagpapahirap sa atin ngayon.
| Blog8
[Rogelio Ordonez]












