‘Boy’
Nakasalpak sa tenga ko yung earphones na binili ko. Agaran ko ring tinanggal kasi hindi ko napansin na malapit na pala yung sinasakyan kong UV Express sa terminal. Dulot ng matinding trapik, naging masarap sa akin ang makinig ng mga kanta habang nagbabasa ng mga e-books sa phone ko. Ganun talaga para masulit yung oras kaysa masayang sa pagtanga ko sa iba’t ibang nakasulat na karatula sa gilid ng daan. Pagod na rin yung katawan ko n’on kaya medyo excited na rin akong makauwi para makapahinga.
Bumukas na ang mga pinto ng sasakyan. Suot ko ang bag ko at siniguradong sarado lahat ng zipper. Saktong paglakad ko, mga sampung hakbang, nakakita ako ng batang lalaking sumisinghot ng Rugby. Walang bago sa nakita ko. Kahit saan naman dito sa Metro ay may batang katulad niya. Pero sa bawat singhot niya, nakikita kong iba ang nararating ng kanyang isip. Nakapikit ang kanyang mga mata habang dahan-dahang inuubos ang pandikit na alam kong sumisira sa pisikal na estado ng kanyang katawan. Ngunit hindi ko siya mapigilan. Natigilan ako sa katotohanang alam ko yung nararapat na gawin (ang sabihan siyang itigil ang pagsinghot sa kemikal) pero hindi ko ginawa, hindi ko nagawa, hindi ko magawa. Hindi naman ako takot na takot sa bata pero diretso lang ang lakad ko kahit pa naiwan ang paningin ko sa mukha niya. Nakatitig din ako sa kamay niyang mahigpit ang kapit sa plastik na naglalaman ng Rugby. Payat na ang kanyang katawan at alam kong bansot ang kanyang paglaki. Palalim na ang gabi n’on. Pagod na siya pero iniiba ng Rugby ang kanyang lagay. Naramdaman kong kahit walang ilang metro ang layo namin sa isa’t isa ay may higanteng dingding na pumapagitan sa amin. Ewan ko kung saan nanggaling ang pakiramdam na yun o bakit ko rin yun naramdaman. Hindi ko rin alam kung bakit ganun na lang kadali sa akin na tanggapin yung nakita ko -- yung kalagayan niya.
Tawagin natin siyang ‘Boy’. Tingin ko’y hindi desisyon ni Boy ang maging Rugby Boy. Hindi rin naman niya siguro pinangarap na manatiling gising sa kalaiman ng gabi habang kapiling ang pulang kemikal. Maaring matigas ang ulo niya, naglayas, pasaway, hindi ko alam. Pero sigurado akong hindi lang sarili niya ang dahilan kung bakit siya nagkaganun.















