Sa mga naniniwala sa mga bagay na hindi madaling unawain,
Naniniwala ako sa Maykapal at naging malaking pagbabago na mula doon. Bagamat sa aking paniniwala, tinugunan ko ang maraming bokasyon tulad ng pakikipagkapwa-tao, pagiging makakalikasan, at pagtupad ng pananagutan ko sa Diyos, bayan o komunidad, at sarili; hinamak ko rin ang mga tukso gaya ng pagsisinungaling at pagnanakaw. Bilang alagad ng Diyos, ginawa ko ang mga ito dahil naniniwala akong pandaigdig ang karunungan mula sa Sampung Utos Niya at hinding-hindi ako magkakamali kahit saan man ako sa mundo mapadpad, kung iyon ang aking susundin.
Kaya kong maniwala sa Diyos na hindi ko mauunawaan dahil may mga panahong hindi ko rin maintindihan ang aking sarili, ang aking mga magulang, at ang mga nangyayari sa aking kaligiran. Tinatanggap ko namang hindi ko maiintindihan lahat at hindi rin naman ako nagmamadaling maintindihan ang lahat, maging ang Diyos na aking sinasamba na parang mga magulang ko lamang ang relasyon naming dalawa - mayroon silang mas malawak na pag-iisip na sa ngayon, hindi ko man maintindihan, para naman sa aking ikabubuti ang kanilang ginagawa. Hindi ako nagmamadali dahil naniniwala ako sa buhay na walang hanggan kapiling ang Panginoon kaya may panahon akong alalahanin, kilalanin, at unawain Siya. Susundin ko na lang ang loob Niya dito sa lupa (tulad ng mga nangyayari sa aking buhay na hindi ko maunawaan), para ng sa langit dahil sa huli, alam kong may plano Siya para sa akin, para sa ating lahat.
Nagmamahal,
Letrang S














