Sinisimulan kong itatak sa aking memorya ang katagang hindi kita kailangan, upang sa tuwing ikaw ay biglang bubulusok sa aking isipan ay di na magkakamaling bihagin ka at huwag nang paalisin. Narito ako sa dulo ng dalawang pagkakataon. Naka-angat ang kanang paa at nakatapak naman sa kabila ang kaliwa. Sa pagbagsak ng paang nakaangat naryan ang pagkakataong mahalin ka nang buo.
Datapwat, hinihila naman ako nang pagkakataong umatras at tuluyan kanang kalimutan at ibaling sa dating buhay ang aking mundo.
May kaibigang masasaktan, may pagkakaibigang maaring maglaho o nga namang magkalamat ng buo. Sa pagpapatuloy ng istorya nating dalawa, nakahanda na ang mga susunod na pangyayari.
Mahirap pumili, ang lumbay ay tila daluyong na malayang humahampas sa dalampasigan. Unti-unting pinipiringan ang aking puso nang isipang na sa una pa lamang ay alam na ang wasto at makakabuti sayo. Ngunit paano kung ang isipan ay tila pumupiglas sa kapit ng puso, ano ba ang dapat mong pakinggan? Siya o ang mundo?
Pakinggan, MMXIV













