Kung bakit nung isang araw di nag-alarm yung phone ko ng umaga. Dahil nung kinagabihan, nalungkot ako. At pag nalulungkot ako dahil sa pagka alala ko sa'yo, nagsusulat ako. Nagkataon na sa phone ako nag compose ng sulatin at nakatulugan ko na sa tabi ko yung phone ko at hindi ko naikabit sa charger habang 5% na lang ang battery. Nakatulugan ko parang kung pano ko nakatulugan ang pag iyak kong di ko alam pano na natapos. Nawalan na lang ako ng malay at natuyuan ng luha noong gabing 'yon. Ayun. Naalala ko din kung ano yung sinulat ko. Sinulat kong na-mi-miss ko yung kaibigan kong di na ako tinatratong kaibigan ngayon. At may mga nabalitaan akong mga bagay na tumutulak sakin sa katotohanan na dapat magising na ako. Kailangan kong itatak sa kukote ko na ang mga taong tunay na interesado sa akin at may pakialam sa buhay ko ay hindi basta-bastang aalis sa unang senyales ng paglayo ko. Kasi base sa karanasan ko, madalas ang mga taong lumalayo ang nangangailangan ng kalinga. Minsan kaya sila lumalayo dahil nahihiya na silang paulit-ulit na lang ang bukambibig nilang problema at ayaw na nilang maka abala. At ang mga taong tunay na may pakialam at tunay na nagmamahal ay ang mga taong nag aabot ng kamay nila at lumalapit kahit pilit kang lumalayo. Kaya, ikaw, yung mga ganyang tao sa buhay mo, wag mong babalewalain. Wag mo silang bibitawan. At pag sila naman ang lumayo, wag mo silang iiwan. Pero sa kabilang banda, ang mga taong hindi man lang mag aabalang mag tanong at sasabayan pa ang paglayo mo, di sapat ang pagmamahal nila sayo para umabot sa puntong aabutin ka nila sa pagka dapa mo. Baka di rin sila nararapat para sa buhay mo. Oo, sige, umiyak ka. Iyakan mo ang mga alaalang iniwan nila. Kung gusto mo itapon mo lahat ng bagay na nagpapa alala sayo. Kung gusto mo, burahin mo lahat ng litratong iniwan nila sa phone mo. Sino ba namang tao ang natutuwa pag iniiwanan? Pag may lumilisan? Kung gusto mo mag mukmok ka. Pero siguraduhin mong pagkatapos mong malungkot at umiyak, ngingiti ka na ulit. Wag mo nang bitbitin ang bigat sa puso mo. Idamay mo na yun sa mga luhang umalis at dumaloy sa mga mata mo. Hayaan mo na silang lumaya. Hayaan mo din na lumaya ka mula sa lungkot na dulot nila. Isipin mo na lang na matapos ang matinding apoy na dumaan sa buhay mo, nakita mo lang kung sino ang mga nasa paligid mo na dalisay at tapat at tunay na nagpapahalaga sayo. Sana sa mga ito, kahit papano may ma-encourage ako. Kahit na ang lahat ng ito ay sinasabi ko para sa sarili ko. Di ko alam kung ilang beses ako magsasabi ng paalam hanggang sa dumating ako sa totoong pagbitiw. Pero pwede na itong ibilang sa mga paalam na kailangan kong sambitin. Isang hakbang patungo sa huli.