"Kung ano man ang dinadala mo ngayon, gusto ko sanang sabihin na mawawala rin iyan. Pero hindi, e. Habang nabubuhay tayo, laging nandyan yung sakit. Laging nandiyan yung paghihirap. Pero gusto kong sabihin na kaya mo 'yan. Alam kong kaya mo 'yan." Ang mga salitang iyon lang ang tangi kong nasabi noong nagpasya siyang umalis noon. Gusto ko siyang yakapin. Gusto kong iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa sa kanyang pag-iisa. Na nandito ako--kaming mga kaibigan niya--na gaya niya ay nakakaramdam din ng pag-iisa. Na sama-sama kaming mag-iisa. Noong una pa lang ay magaan na ang loob ko sa kanya. Likas akong mapili sa mga kinakaibigan pero noong unang ilang beses pa lang ng mga pag-uusap namin ay alam ko nang magkakasundo kami sa maraming bagay. Na hindi ko kailangan magpanggap gaya ng sa pakikitungo ko sa iba. Na pwede akong maging ako kapag kausap ko siya at hindi kailangan matakot na baka mahusgahan lamang niya. Kaya nga labis kong ikinatutuwa ang muli niyang pagbabalik. Dahil tila ba sumisigla at mas sumasaya ang lahat kapag nandyan siya at kasama namin. Hindi ko alam kung ano ang meron siya at ganoon na lamang ang epekto niya sa aming mga magka-kaibigan. Pero kahit ano pa man iyon, hinding-hindi ko na gugustuhing iyon ay muling mawala pa.








