tag-ulan.
Unti-unti nang nagiging malinaw sa akin ang lahat. Wala ka na. Tapos na tayo. Dito na nagwakas yung kwento na binuo natin nang isang taon mahigit. Hindi ako magsisinungaling at magpapanggap na hindi ako nasasaktan. Kalokohan 'yun. Kapag alam mong masakit talaga, wala namang nagbabawal sa'yo na umaray. Kaya yayakapin ko ito nang buo -- nasasaktan ako.
Tag-ulan na naman. Nasabi ko na sa'yo noon na masaya ako kapag umuulan... lalo na kapag malakas. Marahil napapaisip ka nung una kung bakit ako ganun. Mukha nga siguro akong siraulo kapag ngumingiti ako sa gitna ng pagbuhos ng ulan. Karamihan kasi sa mga kakilala ko, ayaw na ayaw na umuulan. Bukod sa nababasa daw sila, marami pang dalang abala ang ulan para sa kanila. Napapaisip tuloy ako. Naaalala mo kaya ako kapag umuulan jan sa lugar mo? Naiisip mo rin kaya kung paano kita titigan kapag nakikita ko nang lumalakas ang ulan? Hindi ko alam. Baka hindi ko na rin malalaman.
Nasasanay na ako sa lamig. Dinadama ko nang maigi yung ginaw. Tutal wala namang pinagkaiba yun sa'yo nung nag desisyon ka nang bumitaw. At siguro, siguro nga talaga ako itong hindi marunong umayaw. Pinipili ko pa ring magbulag-bulagan sa katotohanan kahit na kitang-kita naman kung gaano ito kalinaw.
Basta.
Hindi pa.
Hindi muna.
Nanamnamin ko muna 'to.
At baka bukas o sa makalawa, maluwag ko nang matatanggap ang katotohanang 'di ko na maitatanggi pa -- wala ka na at tapos na tayong dalawa.










