Hindi ko na dapat nararamdaman lahat ng ito, dahil isa lamang itong tukso, ngunit sa paglipas ng mga oras, habang tayo'y magkasama, sa'yo lamang umiikot ang mundo ko. Tama pa ba na mahalin kita? Tama pa ba na alagaan ka? Tama bang lumaban pa? Kahit na sobrang sakit na? Hindi ko na dapat nararamdaman ang lahat ng ito, dahil sabi ko noon sa sarili ko, natutuwa lamang ako sa'yo, dahil ganoon ka na talaga, maalaga, mapagpasensiya, at tila naiinggit ang araw at ang ulap tuwing tayo'y magkasamang magkayakap. Tama pa ba na ituloy 'to? Tama pa ba na magkaroon ng tayo? Tama bang Ipaglaban ang lahat? Kahit na sobra na ito sa bigat? Hindi ko na dapat nararamdaman ang lahat ng ito, dahil alam nating pareho na mali. Maling-mali. Kahit na sa paulit-ulit tayong humingi ng patawad, kung paulit-ulit nating gagawin ang bagay na ito, kulang ang langit para umabot pa tayo sa salitang "KAPIT." at sa pagkapit, alam kong mayroon pa rin akong "KAPALIT." Kaya ang tanong ko, Tama pa ba na ipaglaban ka? Tama pa ba na ika'y bigyang-pansin pa? Tama bang depensahan ka? Kahit mundo mo'y nasa iba na? Hindi ko na talaga dapat maramdaman ang lahat ng ito, dahil alam nating walang patutunguhan ang mga ito, at dahil sa ako lamang ang tila isang mandirigma na mag-isang lumalaban para sa salitang "TAYO" handa akong matalo. Handa akong matalo para sa salitang "TAYO." Tama pa ba ito? Tama pa ba ang nararamdaman ko? Tama bang sabihin ang lahat ng ito? Kung masasaktan lang din naman ako, Hahayaan ko nang ramdamin ko ang lahat ng ito, lahat ng kirot, lahat ng saksak, lahat ng suntok, lahat ng bato na ibinabato sa akin ng tadhana na sadyang malupit at mapaglaro; hahayaan ko nang ramdamin ko ang bawat hapdi, bawat sanhi ng iyong hindi pagkapit, raramdamin ko lahat ng ito hanggang sa sumapit ang araw na ako'y tapos na sa pagkapit, at ako'y nakapaghanap na rin ng bagong kapalit—tama pa ba na nararamdaman ko pa rin ang lahat ng ito? Hindi ko na dapat nararamdaman ang mga bagay na ito, ngunit, mahal, hindi ko kaya, at sa tingin ko naman ay kaya mo. Hindi ko man mapigilan ang lahat ng nararamdaman ko. Sana naman, madama mo lahat ng hinanakit ko. Pansinin mo naman...ako. Dahil andito lang naman ako sa tabi mo, handang ialay ang balikat ko kapag pumapatak na ang mga mala-dagat na luha mo. Kahit na alam ko na mali na alagaan ka pa, tinutuloy ko dahil mahal kita. Pansinin mo naman ako, dahil andito lang naman ako sa tabi mo, handang ibigay ang lahat ng makakaya ko, sumaya ka lamang, kahit na masaya ka sa iba. Handa ako sa lahat ng iyon. Kahit na ang dahilan sa pagngiti mo ay "siya." Mapapansin mo pa kaya ako? Mukhang malayo ka na, may kapiling ng iba. Hindi alintana, masaya ka na sa kanya. Natutuwa ako, mahal, dahil masaya na kayong dalawa...sana naman ay hindi niya madama ang aking mga masasakit na alaala noong mayroon pang tayong dalawa na ngayon ay naglaho na. — Jazper Zaguirre, May 26, 2017.