Pauwi ka na nang magsimulang pumatak ang ulan sa kahabaan ng Session Road. Kaysa lalong mabasa, maputikan ang mga sapatos, at mainip sa paghihintay sa pila ng dyip na pauwi sa Fairview o makipag-unahan sa laksa-laksang basang payong na nag-aabang ng manunubos na taxi, pinili mong dumiretso na lang sa Luisa's para sumilong at magkape, ilang oras bago bumyahe. Wala rin namang pinagkaiba kung alas-sais o alas-dose ang biyahe. Umaga ka nang makakarating sa Malolos.
Ngayon ka na lang uli tatambay sa Luisa's. Hindi na kayo madalas pumasok dito magmula nang tumindi ang crackdown ni Duterte sa mga aktibista. Bukod kasi sa tambayan ito ng mga taga-media, pugad din daw ng mga intel ang Luisa's. Sino nga ba ang nakapagkwento no'n? Sa mga nakaraang taon, dito kayo nagdaraos ng mga pulong at presscon. At baka nga naging laman na rin ng mga ulat ng mga hayop na intel na 'yon ang pinaggagagawa mo no'ng huling beses na pumunta kayo rito. Pero hindi 'yon ang agad mong naalala, o ang mga sumunod pang gabi ro'n kung saan sumasabay ang pagpikit ng mga mata mo sa pagsasata ng Luisa's. Naaalala mo si Lem.
Umakyat ka sa second floor at umupo malapit sa may bintana kung saan matatanaw ang katapat na Jollibee na dating McDo at ang katabi nitong McDo na dating Session Delights. Sa malayo, makikita na ang Harrison Road, sa mas malayo pa, ang Burnham Lake, at kahit saang dako, ang daluyong ng mga payong - iba't ibang kulay, laki, at porma. Dito kayo nagkakape at nagsusunog ng baga noon. Marami kayong naging tambayan ni Lem, pero pinakaispesyal ang Luisa's dahil dito nagsimulang lumalim ang pagkakaibigan niyong dalawa. Sa gitna ng walang-humpay na kwentuhan, paghigop, pagsindi, paghithit, at pagbuga, dinig niyo kapwa ang ingay ng mga busina sa labas at ang katahimikan ng mga lallakay na konsentrado sa pagbabasa ng dyaryo at paglalaro ng darts sa loob. Ngayong hapon, nandito pa rin ang nga lallakay–nakasuot ng leather jacket, natatakpan ang mga balbas-saradong mukha ng Midland at Inquirer, at tulad niyo ni Lem noon, nasa siklo rin ng paghigop, pagsindi, paghithit, at pagbuga, nababalot ng ginhawang dulot ng init at usok sa pusod ng isang lungsod na natatahimik lang sa pagbuhos ng ulan. Bahala na kung mayro'n mang intel sa mga 'yan.
Maya-maya, tumigil ang ulan. Napansin mo ang inihapag ng waitress sa kabilang table–dalawang plato ng sisig. Paborito ni Lem ang sisig na may kasamang Red Horse at Marlboro Black. Nakakakain pa kaya si Lem ng sisig do'n? Matakaw pa rin kaya siya ro'n? Umorder ka ng kape. Americana, pinakamura. Pinag-isipan mong humingi ng yosi sa lakay na nasa kabilang table, kahit pa ilang buwan ka nang tumigil. May isang hapong nakaubos kayong dalawa ng isang pack ng Marlboro Black sa loob ng tatlong oras. Pagbaba niyo, nagsimula kang mahilo hanggang sa magsuka ka sa tapat ng 7-Eleven, sa harap ng maraming tao. "Buti na lang, ikaw ang kasama ko," sinabi mo kay Lem habang pinupunasan mo ang mukha mo at di-maipinta ang mukha niya sa sobrang pagtawa.
Puro si Lem ang naaalala mo. Hindi naman niya birthday. Talagang nakapaskil lang ang pangalan niya sa bawat sulok ng Luisa's—at malamang, ng Baguio—sa mapa ng isipan mo, hindi iba sa mga hinawakan niyong plakard, mga ipinintang parirala, mga pula at naghuhumiyaw na letra ng protesta at pakikibaka, o sa mga iniangat niyong bandila at kamao, mapangahas, mapang-akit, makapigil-hininga. Nasa himig ng pagkalansing ng bote ng pilsen sa bucket at pagtama ng darts sa board ang malalim na boses niya–buo, malinaw, kalkulado. Nasa amoy ng kapeng barako at kasisinding Marlboro ang gamit niyang pabango–Versace Pour Homme Soir–na agad ding magpapaalala sa 'yo sa paborito niyang jacket–denim gray na may detachable at mabalahibong hood–na kapares na ng alaala ng simoy at lamig ng hangin sa Baguio tuwing malapit na ang Pasko. At sa kabila ng mga huling bakas na iniwan mo sa Luisa's–mga bakas ng luha, uhog, at suka–halos dalawang taon na ang nakalipas, ang binabalik-balikan mo pa rin ay ang mga bakas na dalawa kayo ni Lem na nag-iwan.
Magdadalawang taon na nga ang nakalipas, pero nalulunod ka pa rin tuwing masisimulan mong balikan ang mga alaala ng buong panahong pinagsamahan niyo ni Lem. Pagkalunod na nakakagaan sa pakiramdam kahit gaano pa katagal, nagtatanggal ng mga pag-aalinlangan at limitasyong itinakda sa sarili. 'Yong tipong sigurado kang aahon at aahon ka, at usapin lang kung kailan. Lasap mo ang paglamon ng tubig sa lakas mo, sa paghinga at paggalaw mo. Para bang ipinagkakatiwala mo ang buhay mo sa karagatan, at buo ang pag-asa mong ibabalik at ibabalik ka ng mga alon nito sa kapayapaan ng dalampasigan. Dahil hindi mo kailanman natutunan ang lumangoy. Masaya ka nang maging kaisa ng mga alon sa panahon man ng unos o payapa.
Siguro nga, ganito ang proseso ng pag-alala. Ang mga alaala ay parang mga along pabalik-balik lang sa dalampasigan. Hindi madaling matukoy kung saan ang simula at saan ang wakas, kung saan ang pakikipagkilala at saan ang pamamaalam, dahil sa maraming pagkakataon, kung hindi man lahat, sila ay iisa.
Kaya hindi mo na rin maalala kung kailan at saan mo unang nakita si Lem, o kung paano kayo unang nagkakilala. Para sa 'yo, ang bawat alaala ay brutal at presiso liban dito–ang pinakauna, ang simula. At sa totoo lang, hindi mo na rin hinihiling na luminaw pa ito para wala ring katumbas na sakit kung mabalik-balikan mo man, hindi tulad ng pamamaalam ni Lem, na bagamat walang kasereseremonya, iisa sa maraming balita, iisang alon sa humahagupit na bagyo ng tadhana, ay walang kasinlalim ang iniwang bakas sa memorya.
Inihapag ng waitress ang tasa ng kape, garapon ng creamer, at tatlong sachet ng asukal sa harapan mo. "Sisig, 'ding?" "Maya-maya, ate." Inilapag mo sa tabi ng mga ito ang cellphone mo at binuksan. 12/16 ang petsa. 16:24 ang oras. 1 unread message mula kay Krishna Valeroso. "Anong oras ka ba darating? Susunduin ka raw ba ng Papa?" Sa makalawa, ikakasal na siya, ang nag-iisa mong kapatid. Bago matapos ang araw na ito, kailangan mong iwanan ang Baguio at ang mga alaala rito. Pero sa isip mo, baka nga may bagong simulang mabubuo ang pag-alala.
Maya-maya, tumigil ang ulan. Naubos mo ang kape at sumenyas sa waitress. "Ate, kape uli. Tapos chicken sisig. Salamat." Pagkaalis ng waitress, napansin mong umilaw ang screen ng cellphone mo. 1 unread message mula sa isang unknown number. "Tan? Nasa Baguio ka ba?" 16:42 ang oras. Iisang pangalan ang pumasok sa isip mo. ×