12: MANDUDULA
Sa tinagal ng panahon na nagsusulat ako para sa kawalan ng tinig ko sa mga pagkakataong nais kong sumigaw, sa unang beses ay nagawa kong maiparinig sa iba ang bawat tawa, taghoy, at ang bahagi ng boses sa kalooban ko.
Ngayong taon, nawalan at nabiyayaan ako.
Hindi ko alam kung paano magdidiwang sa gitna ng pighati at pagluluksa.
Dahil kalaban ng oras ang kalimot at ang paghilom ay nakaayon sa pagtanggap, sabay-sabay kong naipon ang lakas ng loob na yakapin ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsusulat.
Hinayaan ako ng aking sining na alalahanin ang mga magaganda, pangit, masakit, at nakapanlulumong pangyayari sa mga lumipas na panahon.
Sa pagsilang ng dulang MAGMEMERYENDA PA BA?, nabigyang buhay sina Niño at Lolo Tubal, usaping pag-ibig, buhay, at kamatayan.
Dito ko naipamalas ang sining ng pagbabahagi ng kuwentong hindi lang pala sa puso ko may puwang.
Salamat sa sining ng teatro at dula, sa tingin ko, nagawa ko ang parehas na bagay—pagdiriwang at pagluluksa; kasabay ng pag-iiwan ng mensahing hindi lang tungkol sa pag-alala, kung hindi pati na rin sa pag-ibig sa buhay at pagpapalaya sa mga namayapa.
Daghang salamat, Cultural Center of the Philippines, Virgin Labfest Writing Fellowship Program '16 - 2021.
Ang nagbabagang pag-ibig hindi lang sa sining ng teatro at pagsusulat kung hindi sa buong usapin ng pagpapatuloy ng isang sining na mapagpalaya, yumayakap, at boses sa mga walang tinig - ako'y walang hanggang nagpapasalamat sa kamalayang napulot at paggising sa matagal na pagkatulog.
Hanggang sa muling pagsasama bilang mandudula o artista sa tanghalan.





















