6 Things I realized after watching Paubaya M/V by Moira Dela Torre
______________________________________________
OO.1 | Hindi nakakatuwang mag-biro ang tadhana. Masakit. Nakakapanlumo. Malungkot.
Masakit dahil kahit anong gawin mong iyak, mahirap kalabanin ang tadhana, hindi mo siya kayang salungatin. Nakakapanlumo dahil alam mong wala kang magagawa, hindi mo, o niya kasalanan na naubos na ang pag-ibig. Wala kang pwedeng sisihin na natapos na ang lahat. Nakakalungkot na wala kang pamimilian kundi pagtanggap o pagkamuhi, at madalas pareho lang sila ng binibigay na sakit.
OO.2 | Madalas taksil ang mga pangako, madali nila tayong madaya. Nakakagago. Nakakadismaya.
Mas magaling kasi mangako ang mga taong nagmamahal, at mas mabilis mapaniwala ang mga taong masaya na nakakatanggap ng pagmamahal. Totoong mass mabilis tayong ma-uto, at minsan pumapayag tayong magpa-uto. Hindi natin ito kasalanan. Dalawa lang madalas ang hantungan ng mga pangako: ang mapanindigan ang mga ito o ang mabitawan kasabay ng taong ginawan mo ng pangako. Kayang kaya tayong dalhin ng mga salita sa panandaliang pakiramdam ng saya, pero taksil ito dahil kaya rin tayo nitong wasakin kung gugustuhin niya.
OO.3 | Totoo ang pagmamahal na marunong magpatawad. Kuntento. Magaan. Masaya.
Isang beses tinanong ko ang sarili ko kung bakit kahit alam kong mapapagaan ng pagpapatawad ang pakiramdam ko, hirap pa rin akong gawin. Ang sagot lang na nakuha ko ay dahil siguro, sadyang hindi ito madaling ibigay. Minsan, kailangan natin ng panahon para magdesisyon at madalas kailangan natin ng mahabang oras para maging handa. Pero naisip kong ang totoong nagmamahal, bago pa man siya gawan ng kasalanan ng taong mahal niya, may parte sa puso niya na nagpatawad na agad. Natatagalan lang dahil ang nangangailangan na lang ng panahon ay ikaw, at kung handa ka na bang sabihing pinapatawad mo siya.
OO.4 | Hindi kailanman naging madali ang magpaubaya ng isang bagay na minsan nang naging sa'yo. Hindi rin madali maging matapang.
Kung nagawa mo nang magpaubaya, napaka tapang mo; at isa ka sa mga taong kinatatakutan ko. Hindi ibig-sabihin nito na ikaw ang sumuko, na ikaw ang naunang maubusan ng pag-ibig, o ikaw ang mas duwag dahil hindi mo piniling ipaglaban ang alam mong sa'yo. Nagpaubaya ka dahil tanggap mong hindi siya sa'yo magiging masaya, na hindi ka isang bagay na ginagamit lang na dahilan para sumaya. Dahil alam mong hindi ka nagkulang, binigay at kaya mo pang ibigay ang lahat. Dahil alam mong 'yon ang tamang gawin, at mas alam mong hindi ka nabubuhay nang mayroong kahati. Kung kaya mong gawin ito, alam mong nararapat sa'yo ang mundo ngunit hindi ito nararapat sa iyo.
OO.5 | Nauubos ang nagmamahal, pero hindi nauubos ang pagmamahal. Marami ka pang kaya ibigay.
May mga taong nauubos, pero walang taong nauubusan ng pag-ibig. Nauubos ang taong nagmamahal dahil iniisip niyang natatapos ito sa kung hanggang saan lang ang kaya niyang ibigay. Love's ability goes beyond that. Ang totoong nagmamahal ay natuto munang magmahal ng sarili. At kung totoong minamahal mo ang sarili mo, hinding hindi ka mauubusan ng pag-ibig.
OO.6 | Makakabangon ka ulit. Walang duda.
Hindi natatapos ang lahat sa natapos na pag-ibig. Kahit gaano pa kabigat, kahit gaano ka pa patayin ng sakit, makakabangon at makakabangon ka ulit. Sa paraang alam mo na dahil sinanay ka na ng panahon, sa pinili mong paraan ng pagkalimot, o sa kung paano mo man pinilit gamutin ang lungkot.