Sa una mong pagtapak sa disyerto ng kasamaan
Wala kang kalaban laban sa kahit sino man
Isa ka bang mandirigma? Bakit wala kang espada?
Bakit hindi mo suot ang baluti na niyari ko?
Bakit takot kang kumitil ng buhay ng kalaban mo?
Hindi lang naman espada ang lalapastangan sa iyo
Hindi lang baluti ang kayang prumotekta sa katawan mo
Hindi buhay ang kapalit upang tagumpay ay makamtan
Ang tapang mo ay di nasusukat sa tikas ng iyong katawan
Ang digmaan na ito ay puso sa puso, hindi buhay sa buhay.
Paano nga ba susupilin ang nananalaytay na kasamaan?
Tapang muna ay dapat mamuo sa iyong pagkatao
Tibay ng loob dapat maghari sa buo mong pagkatao
Takot ng tulad mo ay dapat nang alisin, tapang ay pairalin
Mandirigma na walang takot sa sino man ang kakalaban.
Maliit na katawan, ngunit tunay na matapang ang kalooban
Mahina ang suntok, ngunit malakas ang pwersa ng kagustuhan
Maamo ang mukha, ngunit galit ang tunay niyang damdamin
Mandirigma na walang patalim at panangga
Panulat at kanyang utak lamang ang kanyang dala.
Ang yaring dakilang kalooban ay aking tangan sa tuwina
Saan man ako magtungo, puso ko ay tunay at tapat
Wala man akong espadang gamit sa pakikidigma
Tinitiyak ko na sa bisa ng aking husay at talino,
Mga kalabang mapang–api ay paniguradong magagapi.
Ang pagkitil sa buhay ng iba ay hindi ko man magawa
Sapagkat nananalaytay sa aking dugo ang impluwensya ni ina
Wika niya'y hindi kinakailangang may dumanak na dugo
Ngunit pagdating sa mapayapang pakikipagtunggali,
Daig ko pa ang higante sa pagtapak sa yaring mga kalaban.
Espada, baluti, pananggalang at kung ano pa man
Ibigay ninyo na lamang iyan sa mga magigiting nating kawal;
Sila ay hinasa upang sa labana'y makipagbuno ng lakas at dangal,
Ako nama'y hinasa sa pamamagitan ng pluma at papel
Aking mga panulat ang lalo pang magpapaalab sa damdaming makabayan.
Ang umiiral na kasamaan ay dapat nang maisawata,
Paghihirap ng nakararami ay labis nang nadarama
Puwersa ng kalakasan at panulat ay ating pinagsasanib
Upang tuldukan ang halos walang kamatayang digmaan at sigalot
Kahit na marami pa ang tutuntong sa kani–kanilang mga guhit.
Collaboration:
bersikulo (normal text)
and
quillantrophist (italics)