Kalangitan
Ang sama sama ko sa paningin
Ng malalapit na kaibigan natin
Dahil ako ang tumapos sa atin
At tuluyan ka ngang lilisanin
Hindi nila alam kung bakit
Hindi nila alam ang nadamang sakit
Na ang takot sa akin ay maukit
Sa akala mo magbibigay sayo ng langit.
'Yung minsang nag-iyakan tayo
Sumigaw at nagsigawan ng todo
Dahil tulad nga ng sabi mo,
"May pangangailangan din ako..."
Yinayaya mo ako noon makipagtalik
Dinadaan sa matatamis mong halik
Ngunit sabi ko'y pigilan ang pananabik
Dahil kalusuga'y di pa nanunumbalik.
Nagalit ka pa, imbis umunawa
Ang kalagayan ko'y iyong itinatwa,
"May pangangailangan din ako,
Kailangan ko lamang ilabas ito"
Nanggagalaiti na ako sa galit,
"Hindi mo ba naiintindihan ang 'saglit'?!"
Ngunit iyo pa ding patuloy na ipinilit,
"May pangangailangan ako!", iyong giit.
Mula noo'y sinubukan ko pa,
Sayang naman ang ating umpisa,
Kasi pamilya ko'y kilala ka na,
Ang pagkakaibigan nati'y baka mawala.
Kung kaya't sinubukan ko ng sinubukan,
Pinalipas ang mga araw, linggo't buwan.
Ngunit ‘di mawaglit-waglit sa'king isipan,
Gabing 'yon ay di ko makalimutan.
Na baka sa susunod na ako'y tumanggi,
Maging pisikal na ang iyong ganti,
At imbis nakakatakot na sigaw
Ay ipwersa mo nang ako'y magalaw.
Kasalanan ko bang ika'y hiwalayan
At nakaraa'y pilitin nang kalimutan?
Yung sana'y siniguro na ako'y nasa kalangitan,
Sya palang maglalagay sa akin sa alangan.










