It's about time I write some life update.
Katatapos lang ng kaarawan ko. 32.
Tatlong dekada at dalawang taon na akong namumuhay sa mundong ito. Lagpas na sa kalendaryo, sa bingo na lang tayo umaasa. Nagkakaedad na.
Magmula siguro ng tumuntong ako ng 29 parang lumilipad na ang oras. Ang bilis bilis. Maaring ganon, o 'di kaya'y hindi lang talaga nabibigyan ng pagkakataong huminto. Magpahinga. Magnilay.
Nakadagdag pa siguro ang pandemya na talagang pinahinto ang mundo, pero pinag-aligaga ang mga tao. Sabay pinagulo, pinabilis at pinabagal ang kung ano-anong aspeto ng buhay ko.
Pagkayari naman ng pandemya, nasubsob sa trabaho, sa pagoorganisa ng isa sa pinakamalaking bahagi ng buhay ko, ang kasal namin. Tapos, pagkayari naman ng kasal, naparalisa naman sa paggalaw dahil sa pampinansyang limitasyon. Pero nagtapos naman sa kasiguruhan ng tirahan ng aking mga magulang, nabili na kasi namin ang bahay namin noong pagkabata.
Grabe ang daming nangyare. Napakadaming aral ang hindi ko nairanim sa aking isipan, kasi naman walang panahon para magnilay, kaolangan na ulit gumalaw para sa susunod na kailangang gawin.
Eto na yata yung mga taon na talagang napa-ikot ako nga husto sa gulong at barilya ng kapitalismo. Sobrang nilunod ako ng mundo sa mga obligasyon. At ginapos sa yapos ng paghihikahos. Naks!
Pero sa kabila nga noon, mas madami din namang luminaw na mga bagay-bagay. May mga relasyong lalong tumibay. Bagaman may mga pagkakaibigang di ko namamalayang nawawala sa aking mga kamay, mayroon din namang di inaasahang nabubuhay.
Ayun na nga. Nitong nagdaang kaarawan ko ng ikatlumpo't tatlong taong gulang, nagkaroon ako ng pagkakataong tumulala. Tumanga. Tumitig sa kawalan. Masaya nga pala.
Masaya nga pala. Masaya nga pala mabuhay.
Masaya nga palang mabuhay at di lang magpatangay.
Masaya nga palang manahimik at hindi marindi sa ingay.
Masaya nga palang mabuhay.
Di kailangang marangya, basta't may sapat.
Di kailangang nasasayo ang lahat.
Masaya nga pala mabuhay.
Masaya nga pala maging buhay.













