Solitaryo
Para sa ilang kabataan
Na sinanay sa puder ng magulang
Na mabuhay ng naaalagaan
Malakas ang apela ng mamuhay
Ng sa nakagisnan ay mahiwalay
Tama naman sila
May sarili kang kama
Pwedeng matulog ng walang saplot
Hubo't hubad, tabing lama'y kumot
Walang sermong ipamumukhang ika'y salot
Walang kaagaw sa pasalubong na binalot
Pwedengag-cellphone maya't maya
Walang pipigil. Ika'y malaya.
Napakalaya. Walang babawal
Magbisyo ka hangang sa mapagal
Maginom to sawa. Magsugal
Walang magbabawal
Pwede kailanman magdala ng bisita
Iba-ibang jowa, dalaga o binata
Walang magbabawal
Sa laya mong kamal-kamal
Maaari ding hindi maglinis
Sarili mong amoy ay matitiis
Itambak ang plato mong amoy patis
Kahit pa pamahayan ka ng daga't ipis
Walang magbabawal
Walang sisita sa kalat mong sandamukal
Pinagbihisa'y iwan kung san abutan
Maglaba kung kailan lang maisipan
Babangon kung kailan mo gustuhin
Walang bubungangang ika'y tatanghaliin
Laya mo'y kay sarap lasap-lasapin
Sa sayang ganito'y mamahalin
Pero ang hindi nila sinabi sa iyo
Ay ang totoong kalagayan nito
Katunayan ay nakakatamad tumayo
Kung walang mamimilit manggising sayo.
Na walang dahilan para ika'y magluto
Na walang kasalo sa pagkaing paburito
Na walang kaagaw sa isdang pinrito
At walang katuruan na maghugas ng plato.
Na walang kaaway sa pakikinggan sa radyo
Na tipong ayaw ipalipat ng istasyon na gusto
Na walang makaramay kapag nalulungkot
At mapagkwentuhan kung isipa'y sinasapot.
Walang iiyak o sa likod mo'y hahagod
Kahit puso mo'y nauubusan na ng lugod
Walae. Diba't gusto mo ng malaya?
Sa gawaing bahay ikaw ang laging taya.
Maipon man sa kisame ang mga agiw
Sa mga gagamba ka na lang mag-aliw
Walang sa lamig sa'yo ay magkukumot
Bahala kang sa sarili'y mamaluktot
Kung panahon naman ay maalinsangan
Wala ka ring kaaway na tumapat sa electric fan
Hindi sa sinasabi ko na habambuhay
Na manirahan sa piling ng 'yong nanay
Ang gusto ko lamang naman ipagpatunay
Ay may kirot ang sa pag-iisa ay masanay










