1
Alas sais: nagsisilabasan na ang mga empleyadong pumasok
nang alas nuebe. Kung bagong suweldo, diretso sa bilihan ng pasalubong.
Ngunit ngayong karaniwang araw, bitbit ang baunan at ang de-takong
na sapatos, tutungo sa pila ng bus, ng tren, sa mga bangketang inangkin
ng FX. Palilipasin ang oras sa pakikinig ng huling download, pagtantsya
ng ilulutong sahog, pag-aalala kung magkakasya ang naitabi sa huling
kinsenas para sa susunod na hulugan o para sa di na mahintay
na pinag-iipunan. Ngunit tuwing alas sais, mabagal ang usad ng trapik.
Niyayakap ng alikabok ang usok na nag-iipon sa kalsada. Makakatulog
ang empleyadong takip ang mukha ng panyo. Biglang magigising sa busina
ng nagkumpulang sasakyan o sa tinig ng nagsusukling tsuper.
Hihigpitan ang kapit sa nabitawang hawakan, sa bag at dala-dalahin.
2
Alas siyete: nagsisimula nang pumasok ang panggabing gumising
kaninang hapon at nag-almusal sa takipsilim. Habang ang iba’y
nangangating umuwi, maghihilamos at magtitimpla ng kape
kasabay ng mga katrabaho at kliyente sa Estados Unidos.
Tatlo ang orasan sa opisina, hanggang lima ang puntó ng Inggles.
Ilang palapag ang sakop ng kumpanya ng di lang agent, pati na rin
accountant, technician, at manunulat. Nakatutuok lahat sa email
at headset. Lalabas lamang para magyosi at magpainit, sasairin
ang ikalawang tasa ng pampagising. Mula sa ika-42 palapag, may sariling
konstelasyon ang ilaw ng mga gusali. Sa ibayo, humihimbing
ang anak at kapatid na pinag-aaral at pinapalaki. Uuwi ang panggabi
bago lumiwanag. Ipagluluto ang mga bata bago bumalik sa kama.
3
Alas otso: patuloy sa paggawa ang mason. Hinahalo ang graba,
buhangin, at sementong ibubuhos sa bakal para sa haligi ng condo.
Halos tatlong daan silang hinatid dito ng trak, nakatayo’t siksikan.
Inilagak sa malaking butas sa lupa kasama ng iba pang piyon.
Sa loob ng yerong bakuran, mga higanteng makinang nagbubungkal,
nagbubuhat ng baras na binabarena ng obrero. Nababalot lahat
ng alikabok, namumuo ang putik sa sapatos at pantalon. Inilalatag isa-isa
ang mga palapag ng manggagawang saklob ang kamiseta sa mukha.
Umaalingawngaw ang martilyo sa kalsada. Tumitilamsik ang apoy.
Minsan, may nahuhulog na trabahador mula sa mataas na palapag.
Inililigpit kasama ng kagamitan. Itinatapon lamang ang kahoy ng iskafolding
na nagiging dingding, poste, at sahig ng kanilang mga tahanan.
4
Alas nuebe: umupo sandali ang bata sa anino ng waiting shed.
Imbes na bunsong kapatid ang bitbit, isang kaha ng yosi at kendi.
Palaboy-laboy ang isipan nang di mapansin ang úhaw at kalam.
Nagbara ang mga dahon sa bunganga ng kanal, nagtapal-tapal.
Itim ang tubig na tinubuan ng lumot. Sa kanyang isip, mababangga
at babaliktad ang trak ng basura na magkakaloob ng grasya.
Ngunit patuloy lamang ang pagkaripas, tangay ang alikabok
at balat ng chippy. Pinagmamasdan ng uhugin ang asong nakatali
sa harapan ng duplex. Ikot nang ikot, umiikid sa poste ang kadena.
Namimilipit ang askal hanggang sa wakas tutuwad at eechas.
Nagagasgas ang kuko sa pagkahig sa kongkreto. Inaamoy-amoy
ang platong kanina pang sinaid. Sasalok ang paslit ng tubig sa lubak.
Ipagpapatuloy...