Maari kong masambit ang mga salitang “Mahal kita”
At sayo ko sasabihin.
Maari kong sabihin umiibig ako
At ikaw ang dahilan.
Maari kong sabihin kinukumutan ng mainit mong pagsuyo
ang nanlalamig na damdamin..
Maari kong sabihin ikaw ang payapa sa magulo kong mundo.
Maari kong sabihin umuusad ako,
sapagkat hawak mo ang aking kamay at tumatakbo.
Maari kong sabihin gusto kita dahil nais mong magkaroon ng tayo.
Maari kong sabihin tayo nalang.
Maari kong sabihin sana ikaw na nga.
Maari kong sabihin binuhay mo ang pagal kong puso.
Maari kong sabihin nabago ako dahil binago mo ko.
Maari kong sabihin kilala mo ko dahil kinikilala mo ang tunay na ako.
Maari kong sabihin madali kang mahalin.
Maari kong sabihin ako’y nahuhulog na sayo.
Maari kong sabihing marupok ako at bibigay na
sa tukso ng iyong pagsuyo.
Maari kong sabihin mahalaga ako,
sapagkat iniingatan mo ko na katulad ng isang mamahalin plurera.
Ngunit, hindi ako iyon.
Ang salitang “Mahal kita”
Hindi sapat na ito’y manggagaling sa aking bibig na iyong maririnig
Sapagkat hindi ito ang tunay na niloloob ko.
.
Maari kitang titigan ngunit sana sa paraan
kung paano tumitig ang umiibig sa kanyang iniirog.
Maari tayong magusap,
ngunit sana sa kung paano mangusap ang mga mata ng dalawa diwang nag-iibigan.
Maari kong sabihin ikaw ang nasa likod ng mga lihim na ngiti
Ngunit nakaw tingin parin ang pighati.
Maari kong sabihing kailangan kita
sapagkat ibinibigay mo ang lahat
Ngunit hindi ang kinakailangan ko.
Maari kong sabihing pinunan mo ang kulang sa buhay ko
Ngunit hindi parin ako nakukumpleto.
Maari kong sabihin naririnig ko ang pagkatok mo sa puso ko
ngunit ang pagbuksan ka at papasukin ay hindi ko pa magagawa.
Maari kong sabihing nag-aasam ako ngunit hindi ikaw ang pinananabikan.
Maari naman tayong mag-ibigan.
Maaring ang bawat kumpas ay may magiliw na kahulugan.
Ngunit uulitin ko, Hindi ako yun
Hindi iyon ang dinidikta ng puso’t isipan ko.
Maari kong dayain ngunit ang lokohin ka ay di ko magagawa.
Maari akong magsinungaling ngunit uusbong ang katotohanan.
Maari kong sabihin subukan natin ngunit hindi tayo pagsusulit na pwede natin maipasa.
Maari akong mahulog ngunit sa kawalan babagsak,
Kung pwede sana sa mga bisig mo ngunit mabigat ang pasanin ko.
Maaring hindi mo makayanan ang pabigat o maaring ayoko rin talaga magpapasan.
Maaring tadhana ang nagtakda ngunit ang puso ay may sariling pagpapasya
Maari kong sabihin ikaw na ang hinahanap ngunit iba ang natagpuan.
Maari kong sabihin ang pag-ibig ay napag-aaralan ngunit hindi ka isang leksyong matutunan ko.
Maaring batikan ako sa sakit ngunit hindi ako dalubhasa sa paksa ng pag-ibig. .
Maari kong sabihin isa itong tula na iaalay ko sayo ngunit hindi ako katulad ng isang makatang nagtatapat ng kanyang pag-ibig.
Ang sulatin na ito ay patungkol sayo at sa akin
Ngunit hindi ito isang kwento ng pagmamahalan.
Ang pagkakaroon ng Ako at Ikaw o nang TAYO
ay isang kathang-isip lamang na binubuo mo at nang isang bahagi ko.
Ngunit ang pagibig ay hindi binibigay ng pira-piraso bagkus dapat ay buong-buo.
walang labis,walang kulang.
Ngunit,
Kapos ako,sapat ka.
Kulang ako,labis ka.
Masasabing buhay ang isang tao kung ang kanyang puso ay tumitibok,
Ngunit sana nabubuhay ako sa kosepto mo ng pagibig at hindi sa teorya ko ng kabiguan.
Uunahan ko na ang tala maging ang kapalaran.
O ang sinumang propeta at bituin na pinapaniwalaan mo.
Hindi tayo maaring maging ISA,
Sapagkat ako’y isang buwan na palagi nang mag-isa.
Hindi maaring magkaroon ng kwento ng isang IKAW at AKO.
dahil walang TAYO.
Ako’y isang hangal at hunghang sa pagibig,
At ikaw ay isang baliw na deboto nito.
Hindi tayo magtatagpo dahil nasa magkabilang dulo tayo.
At magkaiba ang tinatanaw at natatanaw natin.
Ngayun tatapusin ko ang sulatin na ito sa pagsasabing;
Maari kong sabihin may AKO,
May Ikaw,
Ngunit kailanman
Walang TAYO
Walang magiging Tayo
Ipagpaumanhin mo ang di ko pagtanggap sa pag-ibig mo sa paraang tinatanggap mo ang kabiguan nito.
Ipagpaumanhin mo ang di ko pagsagot sa paraang di mo pagtatanong.
Ipagpaumanhin mo ang kasakiman ko sa paraang nagpapaubaya ka.
Pahintulot, sa kabila nang lahat ng ito nawa’y sinulid ay wag pigtasin.