Mula bobong naging mala-Bob Ong
Dati rati ay hindi ako mahilig sa pagbabasa.
NEVER.
KAILANMAN.
Lalo na kung ito ay fiction. (Ngunit ako ay guilty rin sa pagbabasa at pagsusulat ng mga kwentong mababasa mo sa Wattpad. Sa kasamaang palad, ito ay aking nabura at dinilete ang existence nito sa platform na iyon.)
Pwera na lang kung ito ay tungkol sa kasaysayan at kung anuman. Lalo ako naging interesado sa pagbabasa nang aking matunghayan ang librong, “Bakit Baliktad Magbasa ng Libro Ang Mga Pilipino?” Ang librong ito ay likha ng manunulat na si Bob Ong. Bata pa ako nang mabasa ko ang libro na ito, at hindi pa ako nakatungtong sa highschool noon.
Samakatuwid, hindi ko naman ito agad na pinulot dahil sa mga feedback o kung anuman. Nakapang-aakit lang talaga sa mata ang kulay at cover ng libro na ito. Aba, baliktad nga ang libro at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagmukha akong tanga at bobo (na alam kong pwede na akong pagtawanan. Natatandaan ko yung mga panahong binabasa ko ang librong ito ng mag-isa habang takang-taka naman ang iba kung bakit nga baliktad ang libro. Aba’y hindi ko na sila pinansin, bagamat ako ay nakukuntento sa maliit na mundo na aking kinagagalawan sa mga sandaling iyon.
Ang bawat salita, bawat pangungusap, bawat talata ay labis kong ikinatuwa. Matatawa ka. Gayon nga ang nangyari sa akin. Hindi ko matigilan ang tumawa, ngunit kasabay ng tuwa at tawa ang matatalim na panusok na dala-dala ng mga salitang binibitawan. Mayroon itong kaakibat na bigat na sa maya’t maya sa iyong pagtawa ay matatamaan ka na ng realidad. Madidismaya ka. Ganito na nga ba ang lipunan natin?
Oo. Kung hindi man ay siguro di na ito maisusulat pa ng manunulat. Simula noon ay nagsariling sikap ako na tunghayan at siyasatin ang mga pangyayari sa kapaligiran. Hinahanap ako ang mga mas malalalim na pagpapakahulugan at pang-unawa sa aking napagmamasdan. Mula bobong naging mala-Bob Ong, binubuo ko ang sarili kong perspektibo ukol sa lipunan. Hindi ko taglay ang witty at funny na estilo ng pagsusulat niya at hindi ko rin ito sinusubukang gayahin.
Hindi naman ako si Bob Ong, subalit gustong-gusto ko rin na isalaysay at maibahagi ang aking sariling kaisipan. Naniniwala ako na ang pagsusulat ay mayroong tinataglay na kapangyarihan na maimpluwensiyahan at makumbinsi ang sansinukob (kaway kaway sa mga aliens) . Kung kaya’t ako ngayon ay nagsusulat at– nagbabasa ng mga libro.
Tulad ng nabanggit ni Bob Ong at iba pang manunulat katulad ng aking guro na si Ginoong G, ikaw ay makapagsusulat lamang kapag ika’y nagbasa, nagbabasa, magbabasa.
Ano ba ang maisusulat mo kung hindi mo alam? At ano nga ba ang alam mo kung wala ka ring nabasa o nababasa?
What is there for you to write when you don’t know? and what shall you know if you have not read anything?











