Nag-iisa, nalulumbay, napapaisip at palaboy-laboy sa kalye na di alam kung saan ba ang patutunguhan at saan magtatapos ang lahat. Ako si Ed binansagang tamad, dahil sa pagiging batugan ko, pero di naman talaga ako tamad e sadyang di ko lang hilig ang iilang gawain na dapat maging responsibilidad ko.
Isang araw habang himbing na himbing ako sa aking pagkakatulog, bigla kong narinig ang tilaok ng manok. Nang marinig ko yun bigla akong napabangon mula sa aking pagkakahiga at agad dumiretso ng banyo para maghilamos, momog at maligo. Matapos kong linisin ang sarili ko, agad akong lumabas ng banyo at nagtataka kung bakit di pa preparado ang school uniform ko. Kaya naman lumabas ako ng kwarto at hinanap ang aking nanay na palaging nagpaplantsa ng uniform ko.
“Ma! Ma! Saan na ang uniform ko? Bakit di pa napaplantsa?” inis na inis kong reklamo sa aking nanay.
“Hoy! ikaw Edmond, kelan ka pa ba matatauhan?!” ang naiirita na sagot ng nanay ko.
Sa sagot niyang yun, biglang napatigil ang mundo ko at napaisip. Hindi ko alam kung anong isasagot at gagawin, pero biglang pumasok sa isipan ko na apat na taon na pala ang nakalipas mula ng magtapos ako sa kolehiyo.
Sa pagpasok ko ng aking kwarto, di ko pa rin mawari kung paano at bakit umasta ako ng ganun kaninang umaga, kung bakit ang aga kong nagising at naghanap ng school uniform pero ayon pala graduate na pala ako sa pagiging estudyante sa kursong pinag-aralan ko sa loob ng apat na taon, at paano ako nahantong sa pagiging ganito, sa pagiging tambay at pabigat. Pero hindi ko rin naman ginusto na mauwi ako sa ganitong sitwasyon, sadyang mapagalaro lang talaga ang kapalaran at nabuhusan ako ng kamalasan. Nagtapos ako sa kursong nursing, apat na taon ring nagpakahirap ang nanay ko para lang patapusin ako na mayroong mithiin at pananalig sa puso na magsisilbi akong daan sa pag-angat ng pamilya namin, pero nabigo ko siya.
Habang nakaupo sa malambot na upuan at nawiwili sa panonood ng telebisyon, linapitan ako ng aking nanay, pero di ko siya pinansin.
“Anak?” ang mahinahon niyang pagtawag sa akin.
“May sasabihin sana ako sa’yo”
Sa sinabi niyang yun bigla akong napatanong sa sarili ko, kung ano ba nanaman ang mabuti o masamang balitang sasabihin niya.
“may kaybigan kasi akong nars na nagtatrabaho sa hospital doon sa syudad at nangangailangan sila ng mga volunteer nurses.”
Hindi ko alam kung sasagot ba ako o hindi, dahil di naman siya nagtanong kung interesado ako. Hanggang sa..
“o? ano Edmond?! Aaplay ka ba o hindi?”
“oo na aaplay na ako ma” biglang sagot ko
“hay salamat! Buti naman anak”
At ayon napa-oo ako ng wala sa oras. Ginawa ko na rin yun para naman hindi na ako maging pabigat sa nanay ko at pamilya ko. kaya naman kinabukasan pumunta ako ng hospital para umapply bilang isang volunteer nurse, at sa mga oras nay un sadyang mapagbigay lang ata ang kapalaran sa akin dahil natanggap ako. At kinabukasan agad na akong nag-simula sa pag-duty.
Sa unang araw ng trabaho nakakapanibago ang lahat, hindi ko na rin kabisado ang mga gawain bilang isang nars, paano naman kasi apat na taon rin akong naging tambay. Inasayn ako bilang attendant sa nurse station na kung saan madalas tinatanungan kung saan ang kwarto nito at nito tapos ni ano. Tapos takbo ditto, takbo doon dahil sa dami ng mga pasyente.
Matapos ang magdamagang trabaho agad na akong umuwi. Gustuhin ko mang gumimik kasama ang mga bagong mga kaybigan di ko magawa dahil sa butas ang aking bulsa. Kung kaya mas mabuti nang umuwi na lang ako at magpahinga. Pagkarating ng bahay agad akong kinamusta ng aking nanay, kung kamusta ba daw ang trabaho ko at ang tangi kong naisagot ay ayos lang. Nang bitawan ko ang salitang yun, may panibago nanamang siya balita sa akin.
“anak, ayos ka lang diba?”
“kaya naman siguro, matatanggap mo ang balita ko”
Nagtaka ako sa linyang yun, dahil para bang nanakot siya na parang hindi naman. Hindi ako sumagot at hinayaan ko siyang magpatuloy sa kanyang sinasabi.
“anak, Edmond, hindi ka nakapasa sa nursing board exam”
Nang masabi niya yun ako na ang napatigil sa ginagawa ko, at napatingin sa kanyang mga mata at walang masabi. Ngunit ang tanging nararamdaman ko ay kahihiyan.
“diyos ko naman ed! Pang-ilang take mo na ‘to! Pero bakit di ka pa rin nakapasa?” mahiya ka naman Edmond! Anak naman o!” ang reklamo niyang may pagkadismaya.
Hindi na ako sumagot sa nanay ko, at minabuti na lang na pumasok ng kwarto. Sa aking pag-iisa sa silid nay un, nakatitig lang ako sa isang dirkesyon, sa kaing bintana at para bang may hinihintay. Nag-iisip, tinatanong ang aking sarili kung bakit ganun? Kung bakit hindi ko naman nagawang makapasa sa exam na yun? sobrang nakakahiya, sobra akong nahihiya sa nanay ko, sa mga kapatid ko, sa mga kamag-anak ko at higit sa lahat sa aking sarili. Napaisip tuloy ako na, baka nga totoo yung mga sinasabi ng ibang tao na bobo ako, na wala na akong pag-asang magtagumpay, na panghabang-buhay na lang ako aasa sa aking mga magulang.
Matapos ang gabing yun, tanghali na ako nagising, dahil sa napuyat ako sa pag-aabang kay Darna. Nagbabasakaling sagipin niya ako sa kahihiyan na aking nararamdaman, ngunit nakalimot ako na di na pala siya nakakalipad dahil siya na ngayon si Amaya. Sa pagpasok ko sa aking trabaho, kitang kita ko ang mga ngiti sa mga kapwa ko volunteered nurses, dahil sa nagawa nilang makapasa sa exam. Habang ako naiinggit na lang sa kanila. Sa mga oras na yun parang gusto kong lumiban sa aking trabaho at bumalik sa kalye para makitagay sa mga tambay tapos magpapasagasa sa jeep o di kaya sa tren para matapos na ang lahat ng ito. Ayaw ko na kasi, hiyang hiya na ako. Ngunit ang sabi ng aking puso na ‘wag, na ‘wag akong mawalang pag-asa at kumpiyansa dahil ang lahat ng ito, ng mga kabiguang ito ay pagsubok ng Maykapal sa akin. Kung kaya naman naniwala ako, at sinabi sa aking sarili na kelangan kong lumaban, magbago upang magtagumpay.
Hanggang isang araw pumasok ako ng hospital na mayroong tuwa at galak. Dahil akinse na, araw ng sweldo. Ang araw na aking pinakahinihintay. Ngunit biglang nawala ang tuwang yun at galak, dahil sa wala pala akong matatanggap na sweldo. Nakalimot ako, hindi pala ako registered nurse at tanging volunteered nurse lang ako na makakatanggap lamang ng allowance na di na bababa o tataas sa dalawang libo. Kaya naman ako na ang nawalan ng gana. Dahil sa nagsipag ako, kumayod, nagpuyat para lang sa trabahong ito, ngunit ang resulta wala pala akong matatanggap na malaking halaga. Kaya naman matapos ang ilang linggo ng pagsisipag, pagkakayod at pagpupuyat humantong ako sa isang desisyon na AYAW KO NA! itinigil ko na ang serbisyo ko sa hospital na yun. Bumalik ako sa dati kong gawain, patambay-tambay sa kalye, palaboy-laboy at higit sa lahat pabigat sa pamilya ko.
“Ed anak! Bakit ka naman bumitiw sa trabaho mo?”
“Ma, pwede ba ‘wag mo na akong kuliin”
“Pero anak, sayang naman kasi e”
Oo, sayang nga talaga! Pero pagod na ako at ayaw ko na! -- ang sabi ng isip ko at minabuti na lang magpahinga sa kwarto dahil hinding hindi ako titigilan ng aking nanay.
Sa ilang linggo at buwan na wala akong pinagkakaabalahan, nakakasawa rin pala. Walang magawa, kain, tulog, punta ditto, tambay ditto, makikinig sa sermon ng nanay, kakain ulit, lalakwatsa, tamabay naman doon at uuwi tapos matutulog na at sa pagsikat ng araw bangon nanaman at uulitin lang ang mga ginawa ko noong isang araw. Ngunit isang opurtunidad nanaman ang dumating sa buhay ko. May bagong kaybigan nanaman ang aking ina na bumisita sa aming munting tahanan. Naghahanap nananaman ng mga empleyado para sa isang mall na malapit lang naman sa aming lugar. At ayon, inalukan nanaman ako at tinanggap ko—tinangap ko na para naman matuwa sa’kin ang nanay ko. Ayon, matapos ang pagpasa ng mga requirements at interview laking pasalamat ko at natanggap ko.
Kaya matapos ang ilang araw, pumasok na ako sa bago kong trabaho—na wala naming kaugnayan sa kursong kinuwa ko. Sa unang araw, masaya pa dahil malaki-laki ang sweldo, pero nung mga sumunod nang mga araw biglang pumiti ang uwak sa paningin ko. Bigla akong tinamad at tuluyang sumuko na sa trabaho ko. Kaya ayon, bumitiw nanaman ako sa pangalawang trabaho ko dahil sa di na ako masaya at hindi ako sanay na pinapagalitan ng ibang tao. Kaya naman minabuti ko na lang na layasan ang trabahong yun. Ngunit di ko nagawang layasan ang sermon ng nanay ko—pero sanay na rin naman ako e, apat na taon rin akong sinesermonan ng nanay kong yun.
Ngunit kahit ilang beses kong tanggapin at sukuan ang mga trabahong inaalok sa akin ng kapalaran hinding hindi ito sumusuko na bigyan ako ng isa pang pagkakataon. Nabigyan nanaman ako ng pag-asa na magreview ulit upang mag-take ng nursing board exam sa ika-apat na pagkakataon. Sa aking pagrereview, maraming bagong mukha, mga mukha na halatang bagong gradweyt sa kolehiyo. Pero may mga mukha rin na nakita ko na dati at mga kapwa ko nang beterano sa pagrereview at pagbabagsak ng nursing board exam. Sa panibagong pagkakataong yun, nag-pokus ako sa pag-aaral na mayroong mithiin na tuluyan nang makapasa upang maipagmalaki ako ng nanay ko. Hanggang isang araw may nakausap akong kaklase ko na kababago pa lang nagtapos sa kolehiyo. Tinanong ko siya kung bakit ba nagpapakahirap siyang mag-aral at pursigidong maipasa ang exam naming. At ang tangin naisagot niya ay.
“E kasi sa pamamagitan nito maraming buhay ang aking maaalagaannat posibleng maisagip. At sa pamamagitan nito maipagmamalaki ako ng aking mga magulang, na nagpakahirap para supurtahan ang pag-aaral ko. At sa pamamagitan rin nito magagawa ko silang maihaon sa kahirapan.”
Sa sagot niyang yun para bang natauhan ako at nagbalik tanaw sa mga panahong nag-aaral palang ako sa kolehiyo. At aking nanay na nagpakahirap para tustusan ang aking pag-aaral na nagbabakasakaling magtagumpay ako sa propesyon ko at mabibigyan siya ng maginhawang buhay. Naisip ko rin ang apat na taong nasayang ko dahil sa naging tambay ako, palaboy at pabigat sa pamilya ko. Maging ang nasayang trabaho ko rin ng dahil sa katamaran at kawalan ng interes.
Kaya ngayon, ako’y nalulumbay, nag-iisa, napapaisip at palaboy-laboy sa kalye na alam na kung saan ba ang aking patutunguhan ngunit di pa rin alam kung saan nga ba magtatapos ang lahay. Subalit ito ako nakatindig sa paliparan, hinihintay ang eroplanong maghahatid sa akin sa hinahanap kong kapalaran bilang isang registered nurse sa ibang ibayong dagat. At sa aking paglalakbay, ipagpapatuloy ko ang naudlot kong mga pangarap para sa aking sarili, pamilya at higit sa lahat sa minamahal kong ina.
http://salikkatha.tumblr.com/