Samahan mo ako
sa pinakamalapit na kanto,
may bibilhin ako—
isang kahon ng posporo.
Papangalanan ko
ang bawat palito.
‘Yung huling piraso,
tatawagin kong 'tayo’.
'Yung tayo na minsang sinindihan
ng mapaglarong tadhana.
'Yung tayo na minsang pumaloob
sa pag-ibig na nagbabaga.
Sa ilalim ng liwanag na panandalian,
pinili nating kalimutan
ang takot na bumalot sa katauhan
at sumabay sa apoy na nag-iindakan.
Ngunit sa huli,
nilisan din ito.
Mainit ang ating pag-ibig—
at tayo ay napaso.
Pero, saglit, dahil,
mayro'n akong napagtanto:
Mali ako.
Mali ako, dahil,
ako lang ang posporo,
at ikaw ang apoy
na sa akin ay kumokonsumo.
Ikaw—
apoy na mapangsindak!
Ayaw maubos ng iyong liyab,
patuloy ka sa pag-indak.
Ginawa mo akong entablado.
Sana'y manatili ka hanggang matapos
ang nakakaantig na musiko.
Sana'y manatili ka bago maubos ang aking upos.
Ngunit,
nauna kang mawala kaysa sa ritmo.
Nilisan mo ako,
hindi ka umabot sa dulo.
Tulad ng usok na nagmula sa'yo,
mabilis kang naglaho.
Ikaw
ang apoy na umangkin sa akin.
Ako
ang posporong nagsilbing patunay
sa ating munting sandali.
Hinanap kong muli
ang liyab mo,
ngunit aking napagtanto….
“Aanhin mo pa ang nasindihang posporo?”
At sa matagal na panahon,
buong akala ko
sabay nating pinilas ang huling yugto
ng ating kwento
pero habang isinusulat pala natin ito,
ay sinusunog mo.
— v.m.