Tara, Maningil
Sabi nila, nakakahiya daw umutang. Totoo naman — kasi may pride tayong lahat. Ayaw nating magmukhang kapos, ayaw nating umamin na sa buhay, minsan, talo tayo.
Pero kung nakakahiya umutang, mas nakakahiyang maningil.
Kasi ang umutang, laging may dahilan. Pero ang maniningil, laging may panganib — na baka mawalan ng kaibigan, mapagkamalang maramot, o masyadong money-conscious.
Nagpautang ka kasi may tiwala ka. Tapos nung naningil ka na, ikaw pa ang nawalan ng tiwala sa sarili mo.
“Uy, sorry ah, singil lang sana sa utang mo…” — may "sorry" pa. Ba’t ikaw pa ang humihingi ng paumanhin?
Minsan ikaw pa ang lumalabas na epal. Tipong… “Hindi ka naman pinipilit na tumulong, bakit singil ka ng singil ngayon?” Puta, e di sana di na ako tumulong.
Ang masakit pa dyan, ‘yung taong umutang sayo? Biglang naglalike ng iPhone giveaway, nasa beach, may milk tea, nasa Shopee: “Check out successful!”
Pero sa utang mo? “Seen.”
Kaya minsan, hindi pera ang nawawala — dangal. Pagkatao. Yung prinsipyo mong, “tumulong ako kasi may puso ako,” nagiging, “tumulong ako, kaya akong apak-apakan.”
Kaya kung may balak kang umutang — Respeto naman sa taong sinagip ka sa alanganin. At kung may balak kang maningil — Tandaan mo: hindi mo sila inaagrabyado. Binabalikan mo lang yung bahagi ng pagkatao mong dati nilang hiningi.
At kung ikaw ang naipit sa gitna — Yung umutang pero ayaw singilin, o yung nagpautang pero ayaw ng gulo — malamang, ikaw na naman ang talo.
Pero ayos lang. Kasi hindi lahat ng talo, bayad sa pera. Minsan, bayad sa aral at karanasan.
======================
May kwento ako. Basta sagot mo ang kape ko. ☕ coff.ee/kwentoniblack











