Siguro naman napanood n’yo na yung commercial ng nescafe na may tag-line na “para kanino ka bumabangon?" Kung ikaw ay nadapa, nanaisin mo pa bang bumangon at ituloy ang buhay? Syempre naman, dapat lang! Ang buhay ay masaya! Pero ang tanong tayong mga estudyante para kanino nga ba tayo bumabangon?
Isang palangganang kape, nang-aarok, nagbabanta..inumin mo ko, parang galit pa. Napalunok ako, parang may sariling utak ang kamay ko inaabot yung palanggana nang bigla na lang may tumulak sa’kin hwow, parang isang move sa Harry P. nahulog sa walis at inatake yung palanggana, napasigaw ako, slowmo- hindiiii!!!
Napaupo ako, nahulog na pala ako sa kama, sakit sa pwet pero saglit,di ba dapat yung ulo ko yung masakit, weird. Isang segundo lang e, hayun na nagwawala na alarm clock ko, alas sinco na pala kailangan ko nang bumangon dahil nag-aabang na ng aking pansin ang pagkakapal-kapal na handouts ko sa Anaphy. Grabeh, puyat na lang araw-araw, magsasara na yata ang malaki ngunit magaganda kong mga mata sa laki ng eye bags ko. Mas malaking parusa pa kong magsasabay-sabay lahat ng mga pangunahing subjects, naman nariyang makalimutan ng mag-agahan pero ang masakit kung yung nareview mo e hindi yun yung lumabas, eish! Ang sarap, magteddy bear clap ng pagalit sa mga ganoong pagakakataon.
Sa kabilang dako, karaniwan na rin ang senaryo ng mga estudyanteng tila tutang naghahabulan sa pagmamadali makaabot lang sa oras ng kanilang klase. Dito tayo nabibilang, mga tipikal na mag-aaral na paulit-ulit na lamang ang ikot ng buhay.“Nakareview ka na sa quiz?”Tapos sasagot katabi mo ng hindi, pa-humble pa kahit nakareview naman. Sasagot ka naman emmh, kunwari ka pa tas ihihirit mo yo’ng favorite line mong,”pakopya mamaya ha, tnx”. “Sino kaya nakagawa ng assignment?”Mangongopya ka na nga wala ka pang papel. Uy! “Saan ko kaya makikita si Crush ngayon?”, tanong sa katabi mo kahit yo’ng totoo e s’ya naman talaga. Yan, punong puno ng pare-parehong katangunan sa loob ng silid-aralan. Subalit, maitanong ko nga, may tao bang bumabangon na walang pinagkakaabalahan?
Kilalanin naman natin ngayon ang mga uri ng mga estudyante ayon sa oras ng kanilang paggising. Simulan natin sa mga gumigising ng alas-singko o mas maaga pa (ahemmh, kasama yata ako ditoJ). Sila’y maituturing na totoong masigasig. Ano pa ba ang dahilan mong gumising ng kay aga-aga,na pati ang araw ay naunahan mo pang sumikat? Kung hindi para makapag-review ng lessons, makapagluto ng almusal para sa sarili o sa pamilya, o para maagang makarating sa campus at masabihan ng most punctual. Bumabangon sila dahil layunin nilang umangat, walang malay na sa kanilang kasipagan, malaki ang kanilang nagagampanang tungkulin. Hindi lamang para sasarili, ngunit lalong-lalo na para sa pamilya at komunidad. Sila ay karapat-dapat nating hangaan.
Sunod, ang mga alas-sais y medya hanggang alas-siyete ng umaga. Basta hindi malate sa first subject,e ok na. Karamihan sa mga estudyante ganito, kontento na sa kanilang kinatatayuan. Kung baga medyo kinulang lang ng motivations. Bumabangon sila ng simple lang ang nasa isip “Hindi pwedeng malate o mag-absent”. Hindi na nila naiisip na maaari pa nilang higitan ang maging “present” lamang sa klase.
At huwag natin kakalimutan ang mga alas-otso o higit pang dumarating sa eskwelahan. Minsan hindi pa sa classroom agad ang punta, kung saan-saan pa lumiliko-liko. May patambay rito, tambay doon. Kung pwede lang silang tambangan sa mga net shop at sabihan ng “huli ka! Ma-text nga nanay mo”. Ang dahilan lang ng pagbangon nila ay para magbanjing-banjing, gumala at tumambay. Mga insensitibong tao. Hindi nila binibigyan ng halaga ang dahilan ng pagbangon ng iba. Ang kanilang mga magulang na nagpapakahirap sa pagtatrabaho upang sila’y makapag-aral, ang kanilang mga gurong pinipilit pa ring maging maunawain sa pagtuturo kahit punong-puno na ang salop, at higit sa lahat, hindi nila binibigyan ng halaga ang kanilang sarili. “Halos dalawang dekada ka lang mag-aaral kung ‘di mo pagtityagaan, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi, kung alam lang ‘yan ng mga kabataang ito, sa pananaw ko ehh walang gugustuhing umiwas sa eskwela”, sabi nga ng libro ni Bob Ong. Gayunpaman, huwag mag-alala kung napapabilang ka rito kapatid, pasasaan ba’t mauuntog ka din. Kung pagbibigyan ka pa ng Diyos ng isa pang pagkakataong magbago, bumangon ka ng may dahilan.
“Ikaw, Para Kanino Ka Bumabangon ?”