LATHALAIN | Sampal ng Kasaysayan sa Administrasyong Duterte
Taong 2019 pa lang nang pumutok ang balita tungkol sa noo'y novel coronavirus 2019 (nCoV 2019), ngayo'y coronavirus disease 2019 (COVID-19), na nag-umpisang kumalat sa Wuhan, China. Bunga ng ito'y bagong tuklas, hindi pa alam ng kinauukulan kung paano ito gagamutin. Pinaghihinalaang nagmula ang sakit na ito sa paniki na may dala ng naturang strain ng virus.
Bago dumating ang coronavirus sa bansa at maipatupad ang "enhanced community quarantine" (ECQ) sa buong Luzon upang mapigil ang pagkalat ng sakit, ang normal at tipikal na buhay ng mga Pinoy ay patuloy sa pag-inog. Lahat ay nakakapasok sa kani-kanilang trabaho at mga paaralan ngunit sa isang iglap, lahat ng ito'y nagbago.
Kung titingnan nang mabuti ang sitwasyon, may sapat ng dahilan ang gobyerno upang magdeklara ng travel ban sa China at maihanda ang health workers, mga hospital at iba pang institusyong medikal kung umabot man ang COVID-19 sa ating bansa na sa kainalauna'y nangyari nga.
Subalit, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press conference sa Malacanang - wala pang naitatalang kaso sa panahong ito - , "No need to ban Chinese we just have to boost our immune system."
Patunay ito na walang balak ang pamahalaan na magpatupad ng agad-agarang travel ban. Marahil, may ilan na magsasabi na kahit maging strikto sa pagpapapasok ng Chinese nationals sa bansa ay magkakaroon at magkakaroon pa rin ng kaso rito, ngunit gayunpaman, isa itong magandang hakbang upang maprotektahan ang mamamayan at mabigyan ng oras ang Department of Health (DOH) upang makapaghanda.
Idagdag pa rito, sinabi ni Senador Bong Go na, "China is not the only country hit by the virus. Other countries, top have cases. It's hard to single China out."
Sa pahayag na ito, maaaring maisip ng maraming Pilipino na pinapaboran at pinoprotektahan pa rin ng administrasyong Duterte ang interes nito sa Tsina sa kabila ng panganib na maaaring dalhin ng sakit. Sa halip na isipin ang kapanan ng kanyang mga kababayan, marahil mas nais pang unahin ng pangulo ang inaalagaan nitong relasyon sa nasabing bansa.
Sa mga tweet ng Pangulo sa Twitter ng CNN Philippines noong Pebrero 3, sinabi niya na, "everything is well in the country. There's nothing really to be extra scared of that coronavirus thing, although it has affected a lot of countries."
Ayon pa sa kanya, "in the Philippines, we only have 2 cases...they are imported, not a native of the Philippines. Isa lang ang namatay (dahil sa coronavirus)."
Dagdag pa niya, " It is not only a case of bad taste...remember there are so many Filipinos in China."
Iginiit din ni DOH Secretary Duque sa isang pagdinig sa Lower House noong ika-31 ng Enero na kung paiiralin ang ban sa mga Intsik ay magdudulot ito ng reperkusyong diplomatiko at politikal sa ating bansa.
Sa kabilang banda, tumataas na ang bilang ng mga kaso sa mga nakalipas na araw. Mataas ang mortality rate partikular na sa senior citizens habang mababang porsyento naman ang nakakarekober. May mga doktor at health worker na ang nalagas sa paksyon ng frontliners na naghahanap ng solusyon sa pandemyang ito. Sa pag-iral ng ECQ, maprotektahan man ang sarili at pamilya sa virus, gutom naman ang kinahaharap ng mga nasa marhinalisadong sektor ng lipunan. Paralisado ang transportasyon na nagpagal sa pagkilos ng mga sibilyan. Higit sa lahat, nahati opinyon ng mga Pilipino sa kung ano ang nararapat at tama na nagpagulo pa sa sitwasyon.
Ano ang kongklusyon ng kwentong ito? Isa ang tiyak, hindi ginamit ng pamahalaan ang pagkakataong mayroon sila upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa, na sa kasalukuyan ay naghahasik na ng lagim sa mga Pilipino. Lahat ng mga epektong nabanggit ay hindi sana mangyayari kung kumilos agad ang gobyerno para sa ikabubuti ng lahat at tinalikdan ang mga politikal na interes. Maiiwasan sana ang bara-barang mga salik na kanilang ipinatupad kung pinakinggan lang nila ang sigaw ng mga Pilipino. Sa mga ganitong panahon, hindi ito tungkol sa friendly ties, ito ay para sa seguridad ng mamamayan. Dito dapat higit na pinatutunayan ang pagmamahal sa bansa at pagtanaw sa sinumpaang tungkulin.
Ani ng aking History professor, "na darating ang oras na huhusgahan tayo ng kasaysayan", at marahil ang mga nagaganap sa kasalukuyan ay paalala sa ating lahat lalong-lalo na sa administrasyong Duterte na hindi tayo marunong makinig sa mga babalang kanyang ipinahiwatig. Nawa'y tandaan natin, na ang hinaharap ay repleksyon ng nakaraan. Dapat tayong matuto upang hindi na maulit pa ang naganap na. Sana'y huwag tayong manhid, sana naramdaman natin ang sampal ng kasaysayan.