Halina't Maki-Busko
Roman Salamat - Impormatibo
Ang Departamento ng Senior High School o Senior High School Department ng Don Bosco Technical Institute of Makati ay ang huling hakbang ng mga mag-aaral bago sila tumungo sa kolehiyo. Bilang dalawang huling taon ng karaniwang pag-aaral, layunin ng Departamentong ito na ihanda ang mga mag-aaral hindi lang para sa mas mataas pang lebel ng edukasyon, kundi na rin para sa araw-araw na buhay bilang mga indibiduwal sa lipunan. Lahat ng mga pagtuturo o ugaling nais ipalagay ng departamentong Senior High ng Don Bosco Makati ay ating magagamit sa iba’t-ibang aspeto ng buhay. Dito sa Senior High School Department ng Don Bosco Makati, ang mga mag-aaral ay hinuhubog upang matuto silang tumayo sa sarili nilang paa, mapagtiwala sa sarili, pagkakaroon ng kolaborasiyon at determinadong mga lider, at pursigidong mga mag-aaral sapagkat sila ay binibigyan ng oportunidad na magsalita, makilahok, manguna, at ipahayag ang kanilang mga kakayahan at talento sa lahat. Dahil dito, karamihan sa mga programa, kaganapan, at ekstrakurikular ay pinangungunahan ng mga estudiyante, at marami ding mga programa’t ekstrakurikular ang nakapagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na magawa ang mga ito tulad ng mga organizations, clubs, competitions, at contests. Maraming mga gawain o ganap sa paaralan ay boluntaryo, kasama na din ngayon ang mga gawaing pagdadasal. Gusto ring matatag ng paaralan ang pagkukusa at pagkakasarili ng mga bata, na gawin nila ang kanilang gusto o sa kanilang palagay, ang dapat kasi hindi sila itutulak na puwersa. Ang mga bawat mag-aaral ay kinakailangang pumili ng strand na magbibigay sa kanila ng sapat na kompetensiya at kurikulum na kapaki-pakinabang sa kanilang napiling kurso sa kolehiyo at ito ay ang mga sumusunod: ang Science, Technology, Engineering, and Mathematics o STEM strand, ang Accountancy, Business, and Management o ABM strand, ang Humanities and Social Sciences o HUMSS strand, at ang Arts and Design Track Visual and Media Arts o AD-VMA strand. Ang STEM strand ay nagbibigay-pokus sa mga mag-aaral na nais tumungo sa mga kursong nakatutok sa agham, matematiko, teknolohiya, at pang-inhinyero tulad ng Chemistry, Engineering, Computer Science, Statistics, Psychology, at marami pang iba. Ang HUMSS strand naman ay nagbibigay-pokus sa mga mag-aaral na nais tumungo sa mga kursong nakatutok sa pagsusulat, komunikasiyon, keme, at agham-politiko tulad ng Philosophy, Journalism, Communication Arts, Sociology, at iba. Para naman sa ABM, ito ay nagbibigay-pokus sa mga mag-aaral na nais tumungo sa mga kursong nakatutok sa pananalapi, pamamahala ng negosyo, at pagpapatakbo ng korporasyon tulad ng Marketing, Entrepreneurship, Hospitality Management, at iba pa. At huli, ang AD-VMA naman ay para sa mga mag-aaral na nais tumungo sa mga kursong nakatutok sa sining at pagguhit tulad ng Graphic Design, Multimedia Arts, Filmmaking, at iba pa.
Jaycee Ullegue - Naratibo
Nang ako’y umakyat sa entablado, sabay ang palakpakan ng masa sa paggalaw ng aking paa sa hagdanan. Sa pagkamay sa aming punong-guro at sa pagkuha ng aking diploma, punong-puno ng pagmamalaki ang aking nararamdaman. “Nalipasan ko na ang Junior High!”, ang umiikot na mga salita sa aking utak. Subalit, isang matinding kalungkutan din ang dumaan sa aking puso, halos dalawang taon ang nanakaw ng pandemiya’t online na plataporma. Hindi ko naranasan ang mga retreat, mga interaction, mga outbound, o di kaya ang mga extracurricular na gawain na dapat naganap sa ika-9 at ika-10 na baitang. Pero ang pagsisi ay tuluyan ding nawala nang aking maalalang may Senior High pa na aking dadaanan. Noong oryentasyon ng ika-11 na baitang dito sa Senior High School, malamang marami na ang nag-iba. Hindi lang ang bagong lunar ng pasukan o ang mga silid-aralan, kundi na din ang aking mga kaklase, kasi nakalimutan ko talaga na magkakaroon na pala ng babae pagdating sa ika-11 na baitang. Maliban diyan, sa naging pag-uusap noong oryentasyon ako’y nabigla kasi nawala na ang ‘aura’ ng pagkabata na naging karaniwan noong Junior High, kumbaga parang ang pagkakaroon ng ‘maturity’ o pagkakatanda na ang itinataguyod dito. Tumuloy tayo sa unang araw ng pagpasok, kung saan ako’y nabigla’t nagduda kasi hindi ko makita ang aking mga kaklase na naglalaro o nag-uusap bago magsimula ang klase. Halos lahat sa kanila ay tulog o tahimik na nag-iisa, tapos noong nagsisimula na ang klase ay wala man lang tugtog o nakabantay na gurong nagpapaalala kasi sila-sila na mismo ang dumidiretso sa bawat kwarto nila. Sinabi sa akin ng aking guro na pagdating sa Senior High, hindi na kayo sasabihan o ipaalala ng mga guro niyo sa mga bagay na yan, kundi dapat nasa estudyante ang lahat ng kusa. Sa totoo lang, ang lala talaga ng palagay ko sa SHS sa puntong ito. ‘Maturity’ ang hinahabol at nasa estudyante ang kusa? Naku naman, paano pa kaming mga estudyante kapag dire-diretso na ang mga gawain o Peta?! Pero sa pagdaan ng panahon, nakikita ko mismo na ang ganitong kultura ng pagiging responsable sa sariling buhay ay nagkaroon ng positibong epekto sa aking mga kamag-aral. Ang mga hindi ko inakalang may kaya gumawa o di kaya ang walang kusang manguna, sila pa ang mga nakikita kong kumikilos at tumutulong sa pagkatabo ng Senior High School sa Don Bosco. Hindi lang iyon, pero sa tulong ng aming mga Guidance Counselor at mga guro sa CL, malaki rin ang nagiging papel ng departamentong Senior High sa pag-aalaga at pag-aalala sa mental health at espiritwalidad ng mga Bosconian. Di katulad noong kami’y nasa Junior Health, hind kailangan lagi ng lahat na sumama sa mga bonggang mga misa o Kristiyanong ganap at nasa kusa nga talaga ng estudyante kung nais nilang ipag-unlad ang kanilang pagka-Kristiyano. Para sa mga Guidance Counselor, hindi lang din ang positibong mental health ang habol nila, kundi din ang pagkakaroon ng mabuti’t maayos na ugali at pagkakatao, dahil ito na ang mga dadalhin patungo kolehiyo. Sabay ang aking karanasan dito sa pagkakaroon ng pokus at espesyalidad dahil sa mga strand, sa huli ay naintindihan ko na kung bakit ganito ang pagtakbo sa Senior High. Kung sa Junior High tayo ay medyo may pagkabata pa, tapon na ang lahat na iyan dito sa Senior High, subalit dito na ang ating transisyon galing sa pagiging bata na nasa hayskul patungo sa isang matanda sa kolehiyo. Kaya gusto nilang matuto na ang mga estudyante na magkusa at masanay sila na mag-ugali na may pagkakatanda. Pero kahit mayroong kultura ng ganitong mga bagay, hindi pa rin nawawala ang ugali ng Bosconians na magsaya, mas lalo na sa mga sitwasyong angkop na maglaro at magsigawan.
Lawrence Vicente - Deskriptibo
Sinabi na noon ni Jose Rizal na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito ay patuloy na pinapatunayan ng makabagong henerasyon sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbibigay atensyon sa edukasyon. Ngunit pa’no nga ba makakamit ang ng isang tao ang nararapat sa kan’yang kalidad ng pagtuturo? Ang Don Bosco Technical Institute of Makati – Senior High School Department ang isa sa mga nagpapatunay na ang kaligiran ng bawat mag-aaral ay mahalaga upang sila ay matuto nang maayos. Sa ganitong sabi, ang DBTIM SHS Department ay mayroong magandang sistema para sa mga mag-aaral. Sistema kung saan ay nakakapang-engganyo na mga mag-aaral na makinig sa kanilang mga guro at makihalubilo sa kanilang mga kaklase. Bukod pa rito, bukas ang DBTIM sa anumang klase ng estudyante, anuman ang kanilang pinaggalingan at kinagisnan—rason kung bakit patuloy silang namamayagpag bilang isang institusyon. Naisusulong din nila ang matibay at maayos na kalusugang pangkaisipan. Sa kabilang banda, ang kapaligiran naman ng DBTIM ay nakakapagbigay ng kaginhawaan sa mga mag-aaral sapagkat nakakakita sila ng mga puno. Dagdag pa na sila ay mayroong mga malalawak na espasyo upang makagalaw ang mga mag-aaral at makapaglaro ng mga isports na kanilang gusto. Ang kalidad na edukasyon ay naibibigay sa mga mag-aaral sa tulong ng isang maayos at mabuting institusyon. Sa kasalukuyan, isa ang Don Bosco Makati - SHS Department sa mga nakakapagbigay nito sa mga mag-aaral, at patuloy silang hinuhubog bilang pag-asa ng bayan at hinaharap ng Pilipinas.












