Pinoy Racism
Bale, ang Pinoy Racism… sa kapwa Pinoy lang
Napanood at nabasa ko lang sa internet yung term na “intraracial racism.” Hindi ko siya inimbento. Hindi ko rin siya pinag-aralan nang pormal. Pero nung narinig ko siya, parang may kumatok na pamilyar. Parang hindi bagong konsepto, kundi bagong pangalan lang sa luma nang ugali.
Sabi doon, posible daw maging racist ang isang tao sa sarili niyang lahi. At sa Pilipinas, hindi ito mahirap hanapan ng halimbawa. Hindi ito yung klasikong racism na iniisip ng karamihan. Walang lahing ibang tinatamaan. Sariling atin ang target.
May hierarchy kahit pare-pareho tayong Pilipino. Kulay ng balat. Punto ng salita. Lugar na pinanggalingan. Antas ng buhay. Maputi ka, may lamang ka. Moreno o maitim, may kasunod na biro o duda. Galing ka sa Maynila, parang default na “mas may alam.” Galing ka sa probinsya, parang may kailangang patunayan.
Hindi ito laging lantaran. Minsan biro lang. Minsan “ganun talaga.” Pero paulit-ulit. At dahil paulit-ulit, nagiging normal.
At dahil dyan, napaisip tuloy ako. Hindi na sa nalaman ko, kundi sa nakikita at napapansin.
Habang malaya tayong maghusga sa kapwa Pilipino, iba ang kilos natin sa banyaga. Biglang may control. Biglang may effort. Biglang may kabaitan na halos scripted.
Hindi ko sinasabing peke lahat. Pero hindi rin siya ganap na natural.
Parang may silent agreement: Kapag banyaga ang kaharap mo, dapat mabait ka. Dapat magalang ka. Dapat ipakita mo na “ganito ang Pilipino.”
Kasi kapag umuwi siya sa bansa niya at nagkuwento, hindi lang ikaw ang nire-represent niya. Buong Pilipinas.
Kaya ang nangyayari, nagiging parang walking advertisement ang Pilipino. Hindi lang tao, kundi promo material.
“Punta kayo sa Pilipinas, mababait kami.”
Hindi mo man sabihin nang direkta, pero nandun yung intent. Parang sales talk na hindi mo inamin sa sarili mo.
At syempre, may kapalit iyon. Turismo. Opportunity. Good image.
Samantalang sa kapwa Pilipino, wala namang kailangang i-maintain na imahe. Kilala ka na. Kilala mo na sila.
Kaya doon lumalabas yung totoo.
Doon ka malayang manghusga. Doon ka hindi nagfi-filter. Doon mo nilalabas yung standard mo, kung sino ang “lamang” at kung sino ang “kulang.”
Hindi lahat ng Pilipino ganito. May mga taong patas. May mga hindi tumitingin sa kulay o pinanggalingan. May mga hindi kailangang mag-adjust depende sa kausap.
Pero hindi rin maikakaila na may pattern.
At minsan, ang pinaka-ironic na parte nito ay hindi tayo bastos sa ibang lahi, pero nagiging malupit tayo sa sarili natin.
Parang mas kaya nating respetuhin ang hindi natin kapareho, kaysa sa kapwa natin.
Siguro kasi sa banyaga, wala tayong comparison. Sa kapwa Pilipino, puno tayo ng sukatan.
Sa dulo, hindi ito simpleng usapan ng pagiging mabait o hindi.
Mas malalim siya doon.
Kasi kung ang kabaitan mo ay nakadepende sa kung sino ang kaharap mo, hindi na siya kabaitan.
Isa na siyang sistema.
















