5 Makabuluhang Paalala Mula sa Aking 2015 Planner
Nagkaroon ako ng sandaling pagkakataon upang mag-ayos ng aking mga gamit sa aming tahanan nang makita ko ang planner na ito na ginawa ko na ring diary noon. Imbes na magpatuloy sa pag-aayos ay naupo ako sa isang sulok at binuklat ang diary. Ilang litrato, sticky notes, plane tickets, drawings, love letters at kung anu-ano pang etsetse buretse ang nakaipit sa mga pahina nito ngunit mas pinagtuunan ko ng pasin ang mga talatang aking isinulat kamay.
Dito, nabigyang-linaw ang mga bagay kung saan ang ilan sa mga ito ay may kalabuan na sa aking memorya.
1. Ang Kahalagahan ng “Closure”
Merong kaunting pahapyaw dito sa kung paano ako nakipaghiwalay sa minsa’y aking sininta. Nabasa ko na nagkaroon din pala kami ng closure, kaya pala kapag nakikita ko siya ngayon ay alam ko sa sarili kong walang anumang poot o galit, at maaari kaming manatiling magkaibigan.
Dito, napatunayan ko na importante ang closure, maniwala ka. Dahil sa closure, hindi mo maiiwan ang isang tao o relasyon ng basta lamang. Kapag walang closure, lagi mong tatanungin ang sarili mo kung bakit ba kayo humantong sa hiwalayan o anuman, na magreresulta lamang ng hindi magandang alaala na dadalhin mo habang buhay.
2. Ang Minsang Katapangan sa Pagharap ng Pagkawalay
Naitala ko noon sa diary na ito ang karanasan ko sa Boracay ng halos tatlong buwan. Dito, naalala ko na nalampasan ko pala ang tatlong buwan ng kalungkutan at pangungulila sa mga katrabaho, sa mga kaibigan, sa sinisinta at higit sa lahat, sa aking pamilya. Naalala ko ang isang napakahalagang tawag mula sa pamilya ko. Nakausap ko silang lahat, nanay, tatay at ate ko, at kung nakapagsasalita lamang ang aso. Naalala ko kung paanong habang isinasalaysay ko sa kanila ang hirap na nararamdaman ko sa trabaho ay isinasambit nila ang wika ng pagmamahal, pag-aalala, at paalala ng pagsusumikap na tunay ngang may nilaga sa bawat tiyaga. Hindi nila batid na sa kabilang linya ay panay ang agos ng luha mula sa aking mga mata bunga ng pinaghalong pangungulila at lubos na pasasalamat dahil narinig ko ang mga ito sa mga panahong pinakakinakailangan ko, dahil noong mga panahong iyon ay unti-unti na pala akong naghuhukay ng lupa upang itanim ang sama ng loob sa aking trabaho.
Matapos ko itong mabasa, sa aki’y naipaalala na nalagpasan ko na pala ang lahat ng ito, na minsan ay naging matapang din pala ako sa pagharap nito.
3. Ang Importansya ng Pasasalamat
Halos isinusumpa ko na ang sistema at mga pahuling pangyayari sa una kong trabaho, ngunit naipaalala ng aking mga tala na dapat pa rin akong magpasalamat sa kanila at tanggalin ang naitanim na galit sa aking puso. Nabasa ko at nalinaw sa memorya ko kung paanong noong minsang nalasing ako sa aming team building ay kinupkop ako ng aking mga boss at mainit na tinanggap at pinatuloy sa kanilang tahanan. Naalala ko ang mga kuwentuhan namin na sa tingin ko ay pwede na ring medyo personal, pati na ang kaunting kalinangan sa akin na handa ulit silang patuluyin ako doon nang sabihin niyang, “sa uulitin!”
Naipaalala din sa akin ng diary na ito kung paanong nabigyan nila ako ng oportunidad na makatungo sa iba’t ibang probinsya ng Mindanao at makakilala ng ilang kaibigan mula rito, at kung paanong nakitaan nila ako ng potensyal sa pamumuno ng ilang mga tao. Dapat akong magpasalamat dahil kung hindi ako iilan sa mga nabigyan ng ganitong oportunidad ay ngayon pa lamang siguro ako makararanas ng pagsakay sa salimpapaw.
Naalala ko rin na sa kahit na maliit na paraan ay dapat pasalamatan ko sila kasi kung hindi rin dahil sa kanila ay hindi ko matatagpuan ang sinisinta ko ngayon, pati na kung paano nila kami tinolerate.
Dito, naalala ko na may malaking kontribusyon din pala sila upang matuto ako ng iilang aral na hindi natuturo sa silid-aralan at iaplika ang mga ito sa pagtatrabaho. Bukod dito, marapat din akong magpasalamat sa simpleng pagbigay nila sa akin ng trabaho.
4. Ang Simula ng Bagong Pag-Ibig
Naging malinaw ulit sa aking memorya kung paano nagsimula ang pag-ibig namin. Medyo mabilis ang mga pangyayari pero matagal bago ko siya sinagot. Dito, naalala ko kung paanong biglang nagkayayaan kami at ng dalawa pang kaibigan sa trabaho na pumunta sa Cubao Expo, uminom ng onti at nagkaroon ng tanungang napaka-high school. Doon, naalala ko na sinabi niyang masaya siyang kakwentuhan ako. Sa kahiwalay na yayaan, naalala ko kung paanong nagpaumaga kami kasama ang iba pang tropa, kung paanong kinailangan na nilang lahat umuwi at kaming dalawa na lang ang naiwan. Naalala ko kung paano ko siyang dineretso kung ano ba talagang meron sa amin, at okay naman ang resulta. Nang mag-umaga, naglakad kami mula McDo UST hanggang sa dinala kami ng aming mga paa sa malayong lugar nang hindi napapagod at ang nararamdaman lamang ay saya at mas malalim pang pagkakakilanlan sa bawat isa.
Naalala ko rin kung paanong itinurin niya ‘kong prinsesa sa mga pagkakataong sinorpresa niya ‘kong puntahan sa Boracay. Hindi sapat na ikumpara ang haba ng traffic ng EDSA sa haba ng buhok ko ng mga panahong iyon.
Sa pagitan naman ng mga sorpresang iyon ay ilang buwan, araw at gabi rin ng pagte-text at pagvi-video chat hanggang sa isa na ang tuluyang makatulog sa amin, habang pinagmamasdan naman ng isa. Sobrang pangungulila noon ang aming nararamdaman sa isa’t isa, at napabalik tanaw sa akin ng mga naisulat ko dito ang lubos na ligayang naramdaman nang sa wakas ay mayakap ko na siyang tunay at mahalikan siya nang walang namamagitang teknolohiya sa amin.
Doon naalala ko na nalampasan namin ang isang mahirap na pagsubok, at malalampasan din namin ang mga darating pa.
5. Ang Kahalagahan ng Pagsusulat
Napaalala ng diary na ito ang importasya ng pagsusulat, masining man o impormal. Hindi mo masasabi dahil maaaring maipapaalala nito ang ilang makabuluhang pangyayari na magbibigay liwanag sa ‘yo sa kasalukuyan, maaaring maibalik nito ang ilang mga kaibigan o relasyon sa mga tao, at maipapaalala nito kung ano ang mga dahilan kung bakit naririto ka ngayon sa kinatatayuan mo.
Dito, maaalala mong lubos na mahalaga ang magbalik-tanaw sa iyong pinanggalingan.








