June 24, 2024 7:07AM MNL Nakalagpas na ako. Ikaw, nasaan ka na? Sa tuwing bumabyahe, nakasanayan na ata ang pag-idlip maski panandalian. May mga pagkakataon na lumalagpas sa aking destinasyon. Ginusto ko naman basta ang mahalaga, may tulog. Di bale, andyan naman si kuyang Angkas, MoveIt, Joyride, o di kaya’y si Grab para isalba mula sa napipintong pagka-late. Di bale, may susunod pa namang bagon mula sa Boni station patungo sa kung saan. Baka doon sa kung saan man, kasama ko na ang puso ko at makakapunta sa tamang patunguhan. Sana sa pagkalagpas ko sa kung saan mang lugar ay magawa ring makalagpas ng nararamdaman kong ito dahil hindi ito kayang isalba ng Angkas, MoveIt, Joyride, Grab, at iba pang ridesharing apps. Gusto kong makausad (sana) palayo sa iyo, dahil alam kong hindi na mauulit ang pagkakataong pinagsaluhan natin.










