#JunkTerrorBill
Minsan nakakainis isipin kung bakit may mga taong napaka apolitical pa rin hanggang ngayon kahit na harap-harapan na yung maling nangyayari. Ako din dati ganyan. Motto ko pa no’n, “live and let live.” Siguro dumating lang din sa punto na ‘di ko na kinaya kaya ang ingay ko na sa social media tungkol sa mga nangyayari sa paligid ko. Naririndi na ata mga kaibigan ko, pero wala akong pakialam. Kinabukasan na natin nakasalalay dito. Pero hindi mo rin naman sila masisisi kung tahimik sila o walang paki. Hindi mo sila mapipilit paniwalaan ang mga paniniwala mo. Kahit ako ayoko din naman ng ganun. Pero sa lala ng mga nangyayari ngayon, at sa dami ng troll online, mas gugustuhin mo na lang din talagang manahimik at ‘wag mangialam. Ang sarap sa pakiramandam nun. Yung wala kang iniiisp, wala kang inaalalang problema. Wala kang kaaway. Sarili mo lang iniisip mo. Pero naisip ko din, hindi ako titigil mag-ingay. Hindi ako titigil magshare ng kung anu-ano tungkol sa mga hindi makatarungang nangyayari sa bansa natin. Hangga’t may boses ako, gagamitin ko. hangga’t may mga platapormang pwede akong magbigay ng ambag, susulitin ko. Hangga’t kaya ko, gagawin ko. Hindi tayo binigyan ng kalayaan noon para lang ipamigay natin sa iba. Huwag natin yun sayangin. Hindi sila namatay at ipinaglaban ang bansa natin para lang sa wala. Hindi man magsalita ang iba, nararamdaman ko na pareho din tayo ng gusto sa dulo. Isang malaya at payapang bansa. Kaya kung natatakot kayo, kami na muna ngayon. Darating din ang araw na magkakaisa tayo. Hindi tayo tinawag na “Duyan ng Magigiting” para tumahimik lang sa isang sulok. Tuloy pa rin ang laban.
Maligayang Araw Ng Kalayaan!












