Ang Anino ni Sally
Ang gumegewang na anino sa kanto ng Salvador ay pagmamay-ari ni Sally, alas dose ng gabi. Nakatingala ang ulo habang binabaybay ang dilim, kapag nangawit na ang leeg ay ibabaling ang tingin. Sa kaliwa, may kahel na pusa. Sa kanan ay mga lasing na nakalugmok ang mukha sa lamesa. "Wala nang tao sa eskinita, pwede nang pumasok at tumira," sambit sa sarili habang dumudukot sa bulsa.
"Mama!" Napabuntong hininga. Ang gusto lamang naman niya ay magpahinga, iwasan ang problema at ang katotohanang iniwan na siya ng asawa. Ang gagong si Joel, kasama na naman ang babae niya. 'Wala talagang pagtatanda, sana pinutulan ko na lang ng ari habang mahimbing ang tulog niya.' "Mama!" Ibinalik ang hawak na pakete sa bulsa.
"Tangina, ang itsura mo, nang-gigitata!" Hinawakan ang anak sa baba para itingala, pinahid ang pisngi gamit ang laylayan ng damit na singdumi din ng kaniyang mukha. "Bakit hanggang ngayon gising ka pa?!" Galit na sambit niya, limang taon pa lamang ang bata. "Nagugutom ako, mama." Nawala sa isip niyang hindi pa naghahapunan ang mga anak niya. Sila nga pala ang dahilan ng gabi-gabi niyang paghuhubad sa bar malapit sa plaza.
Pero wala na siyang pera, ang laman lamang ng kaniyang bulsa ay apat na gramo ng puting demonyo na lalason sa kaniyang pamilya.
Si Sally at ang kaniyang anino. Parehong madilim ang mundo.
–h.c.














