Saan ba ako nag-aalala?
Sa takot ba na baka may pumuna sa gramatika?
O hindi masabi nang maayos ang isang tula?
Baka naman kasi pinipilit ko na magkaroon ng tugma?
Siguro nga, takot akong maging malaya.
Natatakot akong pakawalan ang bawat letra,
Kasi baka saan pa mapunta.
Nawawala na lang tuloy sila nang kusa,
At hindi rin ako natututo, hindi lumalago katulad ng iba.
Masyado kasing nakulong sa pag-aalala
Na baka mali ang mga nagagawa
Iniisip na paano kapag napahiya
Baka wala ng maipakitang mukha.
Pero saan nga ba tayo dadalhin ng pangamba?
Walang mapupuntahan, lalamutin lang sa daan.
E ano naman kung hindi ayos ang gramatika
O di kaya walang tugma
Ang mahalaga naman, nasabi hindi ba?
Kahit dito na lang sa tula.
Saan ba ako nag-aalala?
Ni: rosasbyahe













