Pilit na sinasalo ng dahon ang mga hangin na paroo’t-parito, tila taglay nila ang lamig ng umaga, ang napakakalmang haplos nito, parang isang masarap na kahapon sa pagitan natin. Sumasayaw sa hangin ang mga dahon, sinasayaw nito ang mga hugis na luntian, pula, lila, tangeren, at mapuputlang dilaw na gustong kumawala sa kanilang tangkay, gustong makawala pero ayaw pa nitong bumitiw, ayaw pa, dahil baka iiwan lang nang kusa, nagtatangis na hibla at katas parang luha kung magka-ganoon, pero mahihimok kaya nito na kapag kumawala kusa itong mahuhulog, malalanta at matutuyo? Minsan, naisip ko rin, kung luntian ka katulad ng mga dahon, kung lila ka sa panahon ng Mayo, kung asul ka katulad ng langit, o maputlang dilaw, kung nananabik ka sa mga hamog na nagtataglay ng buhay, kung ang mga sandali ay nagpapatungo sa periperyo ng iyong mata na makita mo ako sa iyong panaginip o sa pagkukusa na madalaw mo ang aking gunita. Pilit na sinasalo ng dahon ang hangin, ako ay napaisip hanggang tanglaw ko na ang luha na parang katas ng alaala mo habang dahan-dahan na dumadausdos sa aking pisngi.
Chuck Akot, Mga Tula at Talata, Minsan, naisip ko rin, kung luntian ka katulad ng mga dahon













