Ano ang wika ng bansang nasa silangang bahagi ng daigdig, na kung saan kuwento, yaman at kulay ang bumubuo?
Ang biyaya na pinili ng lupa, na siyang pinapakinabangan ng bawat nilalang na nangangailangan.
Ang maningning na liwanag, umaapaw sa isang isla mula sa perlas ng silanganan.
"Las Islas Filipinas" ang isinilang, ngunit "Pilipinas" nang sumihol.
Araw-araw kaya nating mapipili ang bansang ipinaglaban tayo?
Ang ating wika ay kuwento at bayanihan, isang watawat na iwinawagayway sa asul na langit, at sa likod nito ay ang mukha ng kagitingan.
Isang bansa, binubuo ng libo-libong isla, at katumbas nito ang mayamang kalikasan at katubigan—na siyang biyaya at sumpa, makulay ngunit nangunguna ang pula.
Tatlong barko ang namuno, at nagdala ng madilim na kalangitan sa isla. Subalit, lumubog sa kailaliman ng makintab na karagatan, salamat sa ating mga bayani.
Isang siglo na ang nagdaan nang makamit ng Pilipinas ang kalayaan, ngunit hanggang ngayon ay patuloy tayong lumalaban. Bakit?
"May mas malaki tayong kalaban sa mga Amerikano–ang ating sarili." – Heneral Antonio Luna de San Pedro y Novicio-Ancheta.
Hanggang sa mga araw na ito, nananatiling totoo ang panipi ni Heneral Luna. Dahil, Pilipino rin ang magpapalubog sa Pilipinas.
Hindi mawawala sa bawat sulok ng bansa—mapa lungsod, probinsya, bayan, barangay at kalye, ang kasakiman ng iilang namumuno.
Patuloy na umaangat ang kasamaan. Samantala, ang lahat ng nasa ilalim ay halos gumagapang upang makakita ng liwanag.
Sa huli, may pag-asa ang bayan, at balang araw ay huhupa rin ang mataas na baha. At magsisimula ito sa isang Pilipino.
"Ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda." – Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda.
Kayumanggi ang kulay ng Pilipino. Datapuwa't, kapansin-pansin ngayon ang paninisi sa lahi at paglaban sa inihandog na kulay.
Hindi man sinasakop ang lupa, ating isipan naman ang binihag. Dahil sa paglaganap ng teknolohiya sa mundo, nagiba ang pamantayan ng mga Pilipino pagdating sa lipunan at sa sarili.
Matutong magmahal ng sariling lahi, dahil masarap maging isang Pilipino.
Masarap maging isang Pilipino. Masarap mahalin ang ating wika.
Ang ating wika ay ang paguwi mula sa paaralan at magmano sa ating lolo't lola at manood ng lumang pelikula kasama ang pamilya.
Ang ating wika ay ang pamamahagi ng ulam sa kapit-bahay, at pakikiisa sa mga pagdiriwang.
Ang ating wika ay ang pakikiramay sa mga nawalan, naghirap, at natalo.
Ang ating wika ay FILIPINO.