DAHIL IKAW
Kailan ko hindi sinabing ang bawat pagmulat ng mata ay para sa'yo. Alam mo na. Kung paanong saulo mo rin ang takbo sa'yong mga palad.
Alam mo ring gaya ng mga gabing pinuno mo ng pagtatanggi. Alam mo na. Sa lahat ng pagkakataong ipinilit mong hindi. Alam mo na gaya ng mga dati. Na para sa'yo ang lahat ng saya at dalamhati. Dala mo ang lahat ng liwanag sa bawat kong gabi.
Alam mong alam ko. Kung paanong nagiging masalimuot ang 'yong mga wari kahit na parang hindi halata para sa iba. Alam ko, dahil ikaw 'yan. Alam kong parang katulad ng kahapon ay ikaw ang nagpapahulas ng aking mga pagkalito at s'ya ring lumilikha ng aking mga pagkasawi.
At kung sa sukatan ng mga salungat sa atin ay parang di na maaari. Pero ikaw 'yan... At ako naman ito... Alam kong hindi at alam kong ring madaling magpatalo dahil ikaw yan... At ako ito... Mahina sa'yo. Alam mong madali lang sa akin ang muling magpatalo.
Dahil ikaw yan.
Madaling magtago ng pagtatangi at di kayang ikumpisal ang totoo dahil mas madaling magbigkas ng mga "hindi". Pero ikaw yan at ako ito... At alam mo na kahit ang "hindi" ay mga tago ring pagtatangi. At dahil ito na ako ay masyadong nakakagising ang malamig na umaga. Hindi na para sa akin ang magsayang ng oras para sa mga walang pag-asa. Hindi dahil sa huli na, siguro ay para di na lang makapinsala. Alam mo dahil ikaw 'yan, at ako naman ito.
-WMAB













